Mga pulis, ilang deboto nagkatulakan sa pagsisimula ng Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 09:15 AM | Updated as of Jan 09 2020 09:21 AM

Watch more in iWantTFC

MANILA — Nagkapisikalan ang mga pulis at ilang deboto sa pagsisimula ng prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maynila ngayong Huwebes.

Sa unang pagkakataon, mga pulis imbes na deboto ang nanguna sa paghila ng karosa ng 400-taong-gulang na imahen. Pinigilan din ang mga deboto mula sa pagsampa sa unahan at gilid ng karosa, bagama't hinayaan silang makalapit sa likuran nito.

Makikita sa video na kuha ng ABS-CBN News na nagtulakan ang ilang deboto at mga pulis.

"Nasanay lang kasi sila (mga deboto) na kung saan nila gusto, iyon. Ngayon, nakaranas sila na parang may nagko-control kaya medyo nanibago sila," ani Quiapo Church vicar Fr. Douglas Badong sa insidente.

"Nagkakapikunan, naiinis sila. Sa ganitong sitwasyon, mahirap na silang kausapin e," dagdag niya.

Ipauubaya naman aniya ng mga pulis ang karosa sa mga deboto oras na makarating ito sa Arlegui Street. Maaari rin aniyang mahawakan ng mga deboto ang lubid ng Itim ng Nazareno na pinaniniwalaang mapaghimala, basta sa likuran nila ito lalapitan.

"Inuunti-unti nating madisiplina iyong ating mga mamamasan. Hindi po ipinagdadamot at hindi po pinagbabawalan ng mga kapulisan," abi Badong.

Humingi rin ng dispensa ang pari sa pulisya. Aniya, "Sa mga kapulisan din, iyong aming paghingi ng pasensya sa mga inaasal ng ibang mga mamasan na tanging ang gusto lang sana ay makahawak."

Milyon-milyong deboto ang lumalahok sa Traslacion kada taon sa paniniwalang nagpapagaling ng karamdaman at sumasagot ng mga panalangin ang Itim na Nazareno.