Ex-congressman hinihinalang isa sa mga sunog na bangkay na nahanap sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 04:25 PM | Updated as of Jan 09 2020 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natagpuan nitong Huwebes sa bayan ng Tiaong, Quezon ang 3 sunog na bangkay sa loob ng isang kotseng pagmamay-ari ng dating kongresista, ayon sa mga awtoridad.

Hinala ng mga awtoridad ay sina dating Batangas 2nd District Rep. Edgar Mendoza, ang kaniyang driver na si Ruel Ruiz, at bodyguard na si Nicanor Mendoza ang mga nahanap na bangkay, ayon kay Maj. Lorenz Panganiban, hepe ng Tiaong police.

Pagmamay-ari kasi umano ni Mendoza, 60, ang nasabing sasakyan at ito rin ang sinakyan ng 3 lalaki noong Miyerkoles.

Madaling araw nitong Huwebes nang makita ng mga residente ang kotse na nasusunog sa may liblib na bahagi ng Barangay San Francisco.

Tumambad ang mga sunog na bangkay na magkakapatong sa backseat matapos maapula ng mga bombero ang apoy.

Ayon kay Panganiban, nakipag-lunch si Mendoza noong Miyerkoles kasama ang kaniyang anak sa Lipa City bago dumeretso sa ka-meeting sa Calamba.

Natagpuan naman ang isang maleta at iba't ibang mga dokumento, kasama ang ID ni Mendoza.

Dadaan muna sa DNA test ang mga bangkay para makumpirma kung sina Mendoza nga ba ang mga ito, ayon kay Antonio Vertido, medico legal officer ng National Bureau of Investigation sa Calabarzon.

Nagsilbing congressman si Mendoza mula 1998 hanggang 2001 at commissioner ng Bureau of Immigration.

Matapos magretiro sa politika, naging abala si Mendoza sa pagiging abogado.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Mendoza.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.