Bukod sa Maynila, 'Traslacion' idinaos din sa iba-ibang panig ng bansa

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 03:57 PM | Updated as of Jan 09 2020 07:33 PM

Daan-libong deboto ang nakilahok sa prusisyon ng imahen ng Itim na Nazareno sa Cagayan de Oro City. Retrato mula sa Cagayan de Oro City Information Office.

Bukod sa Maynila, idinaos din ang Traslacion sa iba-ibang panig ng bansa ngayong Huwebes, na nilahukan ng daan-libong mga deboto.

Sa Cagayan de Oro City, nasa 250,000 deboto ang nakiisa sa prusisyon ng imahen ng Itim na Nazareno mula Saint Augustine Metropolitan Cathedral hanggang Shrine of the Black Nazarene.

Ang ilan sa mga deboto sa Cagayan de Oro ay dumayo pa mula sa ibang mga lalawigan, gaya ng senior citizen na si Erlinda delos Reyes.

Ayon kay Delos Reyes, hiniling niya sa Poon ang mabuting pangangatawan at pagligtas sa kaniyang pamilya sa kapahamakan.

Ibinahagi naman ng debotong si Frederick Cua na dahil sa kaniyang pananampalataya sa Itim na Nazareno, nawala ang kaniyang cyst na nakatakda sanang operahan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Para hindi magkagulo, binantayan ng mga pulis ang paligid ng andas.

Sa Mabini, Davao de Oro, higit 2,000 ang dumalo sa pinakaunang Traslacion nitong madaling araw ng Huwebes.

Isa sa mga sumali si Jay-R Tiongco, na ipinagdasal ang kaniyang kapatid na overseas Filipino worker sa Qatar.

Ayon kay Tiongco, umaasa siyang mananatiling ligtas ang kaniyang kapatid, maging ang iba pang Pinoy, sa harap ng tensiyon sa pagitan ng Iran at Amerika.

Hindi naman nagpatinag ang libo-libong deboto sa Tagum City, Davao del Norte, na lumahok pa rin sa prusisyon kahit umaambon.

Sa Davao City, bukod sa misa at Traslacion, isinagawa sa Black Nazarene CHapel sa Barangay Matina ang pagpapausok ng insenso sa imahen ng Poong Nazareno bilang pasasalamat sa mga biyaya.

Maaga namang natapos ang Traslacion sa Iligan City nitong umaga ng Huwebes dahil maayos at walang gitgitan sa pagitan ng mga lumahok.

Higit 500 deboto naman ang sumama sa prusisyon sa Mandurriao, Iloilo City.

Sa Naga City, dinagsa rin ang Traslacion.

May mga pumila rin sa "pahalik" na nagpapasalamat at naniniwalang napagaling noon ng Poon ang kanilang mga sakit.

-- Ulat ni Joey Taguba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.