Bangkay ng babae, natagpuan sa gilid ng kalsada sa Quezon

Merwin Javier, ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 10:30 PM

CANDELARIA, Quezon - Isang bangkay ng babae ang natagpuan sa tabing kalsada ng Barangay Bukal Sur, Candelaria, Quezon, Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa Candelaria Police, maaari umanong sinakal at pinalo sa ulo ng matigas na bagay ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Isang 32 anyos na sales agent ang biktima at residente ng Barangay Masambong, Quezon City.

Walang suot na damit pang-itaas ang biktima at nakapantalon na lamang.

Ayon pulisya, maaari umanong inililigaw lamang ng mga suspek ang imbestigasyon at posibleng hindi ito ginahasa.

Pero para makatiyak, ipinasailalim pa din sa pagsusuri ang bangkay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang nagtapon sa bangkay ng biktima sa lugar.

Nitong Huwebes ng madaling araw, dumating sa Candelaria Police Station ang mga kaanak ng biktima.

Hinihintay na lamang nila ang death certificate ng biktima para maiuwi na ang bangkay nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.