Bagong kalakaran sa Traslacion 2020 umani ng papuri, reklamo

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 01:13 PM | Updated as of Jan 09 2020 08:24 PM

Pinaligiran ng mga pulis ang andas ng Poong Nazareno sa Traslacion nitong Enero 9, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Milyon-milyong deboto ang nagtipon sa lungsod ng Maynila para mahawakan at masilayan ang andas ng Itim na Nazareno sa taunang Traslacion na sinimulan ngayong Huwebes. 

Panibagong kalakaran ang sumalubong sa mga deboto nitong nagdaang mga araw gaya ng mas maagang "pahalik" sa poon, maagang pag-andar ng andas, at ang pag-alalay ng pulisya sa paglabas at pagpasok ng andas sa ilang lugar para mas mabilis na matapos ang prusisyon. 

Gayunman, hindi nawala ang mga debotong nangailangan ng tulong medikal, maging ang ilang reklamo ng mga deboto tungkol sa bagong kalakaran. 

Bitbit ang mga panyo at imahen ng poong Nazareno, humilera ang mga deboto sa Quirino Grandstand. 

Watch more in iWantTFC

Pagdating ng alas-4:16 ng madaling araw, umusad ang andas sa Quirino Grandstand, mas maaga kaysa mga nakaraang taon. 

Mula Quirino Grandstand hanggang Roxas Boulevard, pinigilan ang mga debotong sumampa sa unahan at gilid ng andas, dahilan para pansamantalang magkaroon ng tensiyon. 

Hindi na naabutan ng mga deboto ang pagdaan ng andas dahil maaga itong umalis at mabilis ang paghatak ng mga pulis.

Watch more in iWantTFC

Pero naubos na ang pasensiya ng ilang namamanata – bago pa man umabot ng Ayala bridge ang andas ay hinarang na ito ng ilang deboto. Sapilitang pinasok ng mga deboto ang “Andas wall” para lang makuha ang lubid ng andas. 

"Pinagbabalik kami ng mga pulis. 'Yong harang nila binabaklas namin kaso tinutulak kami ng mga pulis. Mapanakit ang mga pulis eh. Walang nangyari ngayong taon na ito. Sobrang lungkot," daing ng deboto na si Gerry. 

May ilan naman tulad ni Elvira Reyes na inireklamong hindi makalapit sa poon dahil sa pulisya, bagay na itinuring niyang "pasakit" lalo na’t iyon ang naging layunin ng mga debotong dumalo. 

"Hindi kami makapasok puro pulis. Eh 'di sana pulis na lang ang pumasan. [Ang nangyari], ‘Viva pulis Nazareno’ hindi ‘Viva Poong Nazareno,’ani Reyes. 

Giit naman ng isa pang deboto na si Carlita, may mga nasugatan din dala ng pagsuot ng mga pulisya ng combat boots. Nakagawian na kasi ng mga deboto na magpaa kapag Traslacion. 

"'Yun lang naman ang problema namin eh 'yong mga kapulisan. May mga pulis natatapakan 'yong mga tao eh mga nakasapatos sila eh. Masakit yun sa paa. May natutuklap ang kuko," ani Carlita.

Ayon sa isa pang deboto na si Dennis, maganda ang naging seguridad, pero aniya: "Sana po pinantay po nila doon sa mga deboto na hindi rin po nakasapatos. Kasi masyado po talagang masakit pag natapakan po." 

Watch more in iWantTFC

Aabot sa 13,000 pulis ang ipinakalat sa paligid ng Traslacion. 

Depensa naman ni Police Lt. Carlo Manuel, public information officer ng Manila Police District, may mga nasaktan ding pulis. 

Pasado alas-8 ng umaga ipinasa na ng mga pulis sa mga deboto ang pagmamando ng andas sa bahagi ng Palanca St. sa Quiapo. 

Hindi naman daw inaasahan ang mas mabilis na pag-usad ng Traslacion sa kabila ng mga naging pagbabago, ayon kay Philippine National Police spokesperson Bernard Banac sa panayam sa ABS-CBN News. 

Nasa 2.3 milyong katao ang lumahok sa Traslacion sa Maynila at inaasahang dadami pa ito, ayon sa lokal na pamahalaan. 

Gaya ng inaasahan, may mga nahilo, nahirapang huminga, at nahimatay dahil sa tindi ng siksikan. 

Watch more in iWantTFC

Ayon sa Philippine Red Cross, aabot sa 775 ang mga nabigyan nila ng medical assistance. Higit 500 dito ang nagpatingin ng blood pressure. 

Pero anila, nakatulong ang mabilis na andar ng andas sa pagtugon nila sa mga debotong nasugatan sa prusisyon. 

"We can move [more] freely at mas kaya naming kumuha ng patients kung meron sa gitna ng crowd," ani Von Ryan Ong, safety services manager ng Red Cross. 
 

Watch more in iWantTFC

MGA VENDOR MAY HINAING DIN 

Pinakiusapan naman ng mga pulis ang mga nagtitinda na lumipat ng puwesto para hindi maharangan ang daraanan ng prusisyon, bilang parte ng "no vendor policy" sa ruta ng Traslacion - bagay na idinaing ng ilang vendor. 

Isa rito ang lola na taga-Cainta, na pangambang mawawalan ng P10,000 na kita kapag kinumpiska ang kaniyang paninda. 

At matapos ang isa't kalahating oras na usapan, naglabas si Manila Mayor Isko Moreno ng pera para bilhin ang dalawang bilaong kakanin maging ang sampagitang paninda ng isang kamag-anak ng lola.

"Bilang pagpapakita din na ang pamahalaan ay may puso... There is still a human inside us, but nasuwertehan lang nila yun. We are always certain and it [zero tolerance policy] will continue," paliwanag ni Moreno. 

Watch more in iWantTFC

Pero ayon sa mga awtoridad, mas kakaunti ang nahakot na basura, na resulta umano ng pagbabawal sa mga vendor. 

Ayon sa Department of Public Service ng Maynila, nasa 14 trak o katumbas ng 70 toneladang basura ang nahakot sa Quirino Grandstand at mga kalapit na kalsada. Mas kaunti ito sa 387 toneladang naipon noong Traslacion 2019. 

"Nagpapasalamat po kami sa lahat ng government and non-government agencies na nagkaisa at nagtulungan para mapanatiling malinis ang ating kapaligiran. Tuloy-tuloy po natin itong gagawin, hindi lang sa taimtim na okasyong ito," ani Manila public information chief Julius Leonen. 

MGA PLANO 

Ayon kay Fr. Douglas Badong, vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene, pag-uusapan kung maaaring sabihan ang mga pulis na magyapak na lang sa susunod na taon. 

"Inaasahan namin at talagang nangyari naman kaya mas malaki ang kaligayahan, kasiyahan naming mga nagplano kasama 'yung mga kapulisan na naging maayos naman po. Hindi naman kami nagkulang sa paalala sa social media, sa mga orientation," ani Badong. 

Nilinaw din ni Badong na umalalay lang ang mga pulis sa paglabas at muling pagpasok ng andas sa Quiapo Church kaya maaari pa ring makalapit at makasampa ang mga deboto sa poon. 

Plano ring pagdalhin ng breath analyzer ang mga pulis sa susunod na taon para masiguradong walang lasing na pupunta sa prusisyon. 

-- May ulat nina Katrina Domingo, Jervis Manahan, Zyann Ambrosio, Jasmin Romero, Ron Gagalac, Jeck Batallones, at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.