Anak ng huhulihing suspek sa Negros Oriental, patay

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 03:50 AM

NEGROS ORIENTAL - Nasawi ang 6 anyos na babaeng anak ng huhulihing suspek matapos mabagok ang ulo pagkatumba ng sinasakyang motorsiklo Miyerkoles ng umaga sa Bais City, Negros Oriental.

Ayon sa Bais City Police, biglang pinatakbo ng 33 anyos na ama ang motorsiklo sakay ang 31 anyos na asawa nang akma na siyang huhulihin ng mga pulis para sa anti-illegal drug operation.

Imbis na nakatakas, natumba ang minamanehong sasakyan ng suspek at nabagok ang ulo ng bata at tuluyan nang namatay.

Nagtamo naman ng sugat sa ilang bahagi ng katawan ang suspek at ang kanyang asawa.

Nabawi rin umano ang 2 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,400. -Ulat ni Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.