Traslacion ginanap din sa ilang mga probinsiya

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 04:37 PM

Bukod sa milyon-milyong deboto na namanata sa Maynila, may ilan ding nakiisa sa kani-kanilang Traslacion ng Poong Nazareno sa iba't ibang panig ng bansa. 

Sa tantiya ng mga awtoridad nasa 250,000 ang dumalo sa Traslacion sa Cagayan de Oro City. Rod Bolivar, ABS-CBN News

Cagayan de Oro

Mahigit 250,000 ang bilang ng mga debotong dumalo sa Traslacion sa lugar, ayon sa tala ng Cagayan de Oro City Police Office. 

Ito na ang ika-10 taon na ginaganap ang Traslacion sa Cagayan de Oro simula nang ibinigay mula Quiapo ang replica ng poon noong 2009.

Nagsindi ng kandila at may bitbit na replica ng poon ang ilang deboto habang nagpoprosisyon.

Kabilang dito si Jerry Servo, na limang taon nang deboto ng Itim na Nazareno. Hiling niya ang biyaya at makaiwas sa disgrasya ang kanyang pamilya. 

Higit dalawang oras ang itinagal ng prusisyon at naibalik na sa shrine of the Black Nazarene ang imahe ng poon kung saan kada oras nagkaroon ng misa at "pahalik" sa imahe. 

Inabot lamang ng isang oras ang Traslacion ng Nazareno sa Iligan City. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Iligan City 

Samantala, mabilis namang natapos ang Traslacion ng Nazareno sa Iligan City, na inabot lamang ng isang oras. 

Bukod kasi sa hindi nagdeklara ng local holiday ang LGU ay nagtanggal din sila ng ilang tradisiyon tulad ng paghihila ng lubid. 

Sa sasakyan naman isinampa ang imahe ng Nazareno imbes na karo, at piling namamanata lamang ang pinayagang humawak sa mga sasakyan.
 
May ilang deboto, tulad ni Marcelino Tugahan Jr. na kontento rito para sa kaligtasan ng mga namamanata. 

Tagum City

Hindi naman naging alintana para sa mga taga-Tagum City ang sama ng panahon sa pagdalo sa Traslacion sa lungsod. 

Ayon sa Tagum City police, nasa higit 4,000 ang mga debotong sumali sa Traslacion sa lugar ngayong 2019, na mas marami kumpara noong 2018. 

Inabot ng tatlo at kalahating oras ang kanilang prusisyon, na dumaraan sa rutang 12.7 kilometro. 

Kada Traslacion dinarayo ang Sagrado Corazon de Jesus parish dahil dito nakalagay ang pinakaunang replica ng Nazareno sa Davao Region, na unang dumating sa lugar noong 2015. 

Lubao, Pampanga

Samantala, napuno ng pagsayaw at pagkanta ang pagdiwang ng Traslacion sa San Francisco, Lubao, na tradisyon na ng mga tagaroon sa nakalipas na 43 taon. 

Ito raw ay bilang pagpugay at pagpapasalamat sa lahat ng biyaya at milagrong dinala ng Poong Nazareno. 

Malaki ang paniniwala ng mga ito sa milagrong dala ng poong Nazareno, tulad ni Angelita Dizon, na kinilala ang umano’y milagrong dinala nito sa kaniyang pamilya. 

“Paanong di ka maiiyak, sa loob ng 17 taong pagsasakripisyo namin, malaking biyayang ipinagkaloob sa amin ng Poong Nazareno. Unang una gumaling 'yung mister ko, mga anak ko, lahat ng dinadala ko dito nagkakaroon ng milagro,” aniya. -- May ulat nina Roxanne Arevalo, Rod Bolivar, Gracie Rutao, Vina Araneta, at Joey Taguba, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.