PatrolPH

Traslacion 2019: Debosyon sa Nazareno, ipinakita sa iba-ibang paraan

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 07:53 PM

Watch more on iWantTFC

Magkakaiba man ang pinanggalingan ng mga deboto ng Itim na Nazareno, pinagbuklod naman sila ng kanilang pananampalataya sa Poon, na ipinakita nila sa iba-ibang paraan sa taunang Traslacion sa Maynila nitong Miyerkoles.

Para kay Petron Gonzales, pinipili niyang ihayag ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng paggaya sa hitsura ng imahe ng Poon.

Dumalo si Gonzales sa Traslacion ngayong Miyerkoles na may suot na barbed wire na mistulang koronang tinik at mahaba ang damit na gaya ng sa Itim na Nazareno.

Ayon kay Gonzales, na tatlong dekada nang deboto, kahit paminsan-minsan ay pinagbubulungan ng ibang nakakasalubong, hindi na lang niya ito pinapansin.

Sa labis na debosyon, nakabihis-Nazareno rin siya sa retrato niya sa senior citizen's ID.

"Utos sa 'kin ng Diyos," ani Gonzales.

Nakagawian naman ni Raquel Berdos na mamigay ng pagkain sa ibang deboto sa nakalipas na apat na taon.

Bagaman hindi sumasampa sa andas, naniniwala si Berdos na sa simpleng pamamahagi ng biyaya ay napapasaya niya ang Poong Nazareno.

"'Yong mga namamanata, gusto lang naman din namin mag-share ng blessing," ani Berdos.

"Magaang 'yong feeling namin tapos nakaraan na sinasabihan kami, 'Nandiyan na si Santa Claus na namimigay,' nakakataba ng puso," dagdag niya.

Mayroon ding grupo na nanggamot at nang-exorcise o nantataboy umano ng mga taong nasaniban ng masamang espiritu.

Pero higit mas marami ang mga namanata nang nakapaa, hindi alintana ang dumi at peligro ng paglalakad sa mainit at makalat na kalsada.

Masaya pa ang grupo ng mga debotong kinabibilangan ni Joyet Labonete kahit nangitim ang kanilang mga paa.

Hindi bale na raw na madungis ang panlabas basta malinis ang kanilang kalooban, ani Labonete.

"Kahit na marumihan, okay lang po, sakripisyo para sa panata," aniya.

Watch more on iWantTFC

PELIGRO SINUONG PARA LANG MAKALAPIT SA ANDAS

Hindi naman alintana ng ibang deboto ang peligrong dulot ng pakikipagsiksikan sa dagsa ng tao para lang makalapit sa andas ng Itim na Nazareno.

Kinailangan pang tahiin ang talampakan ng debotong si Rodel Santos matapos mabiyak sa kasagsagan ng pagsampa sa mismong andas.

Ikinuwento rin ng ilang deboto na habang papalapit sa Poon, numinipis ang hangin para sila ay makahinga kaya ang iba sa kanila ay hinimatay.

Pero anila, maliit na sakripisiyo lamang ito para sa kanilang pananampalataya.

"Kapalit 'yan ng mga biyayang natatanggap namin," anang debotong Ronald Asuncion. 

"Hindi naman po dahil sa sakripisyo pero para sa pananalig po, 'yong faith po ng bawat isang tao, 'yong way po namin ng pagbibigay ng sacrifice kay Poong Nazareno," sabi naman ni Kim Tiongson.

Watch more on iWantTFC

Sa isa namang press briefing nitong tanghali ng Miyerkoles, sinabi ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde na wala pa silang naitatalang ano mang untoward incident.

Inaasahan ni Albayalde na magiging "generally peaceful" ang kabuuan ng Traslacion gaya noong nakaraang taon. --Ulat nina Raphael Bosano, Jerome Lantin at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.