PatrolPH

Stroke survivor, pumupunta sa Traslacion kahit naka-wheelchair

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 12:35 PM

Kahit na-stroke na noon, hindi alintana ni Violeta Banzuela, 57, ang kaniyang karamdaman dahil nakiisa pa rin ito sa Traslacion ng Poong Nazareno nitong Miyerkoles. 

Panata na ng kaniyang pamilya ang matiyagang paglalakad mula sa kanilang bahay sa Mandaluyong papunta sa Quiapo church tuwing sasapit ang pista ng Itim na Nazareno. 

Sinimulan nila ang paglalakbay hatinggabi ng Miyerkoles sa pangunguna ni Banzuela sakay ng kaniyang wheelchair. Inatake na kasi siya ng stroke noong 2015. 

Kuwento ni Banzuela, pitong taon na siyang deboto ng Itim na Nazareno na nag-umpisa nang ipagdasal nito na gumaling ang kaniyang anak na may Bell's palsy.

Pero kasunod ng paggaling ang kaniyang anak ay siya naman ang sinubok ng karamdaman matapos ma-stroke.

“Sana ay gumaling na kami at sana lahat ng pagsubok ay malampasan namin," hiling ni Banzuela ngayong Traslacion 2019. 

Giit ng ginang, mas lalo pang lumalakas ang pananampalataya niya matapos ang dagok na pinagdaanan. 

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.