PatrolPH

Pulis na nag-AWOL, naabutan sa sugalan, drug den sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 07:48 PM

Arestado ang isang AWOL na pulis at kaniyang mga kasamahan sa umano'y "video karerahan" at drug den sa Ipil-Ipil, Payatas, Quezon City. 

Nabulaga na lang ang mga lalaki nang pasukin na ng mga puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6 ang naturang establisimyento.

Bumungad sa mga awtoridad ang mga nagkalat na sachet ng shabu at mga parapernalya.

Inabutan ng mga pulis sa loob ng drug den si dating SPO1 Ferdinand Salvador na noo'y nakatalaga sa Camp Crame. Bitbit pa nito ang lumang Philippine National Police (PNP) ID at uniporme. 

Arestado rin sa lugar ang itinurong 'tulak' ng droga na nabilhan umano ng shabu.

Dumepensa naman ang AWOL na pulis at sinabing nagsusugal lang siya sa lugar.
    
"Tumataya lang po ako sa video karera... Dati po [gumagamit ako ng shabu] pero hindi naman palagi," ayon kay Salvador.

Ayon sa mga pulis, tinuturing na "one-stop shop" ang lugar na puwedeng "puwestuhan" at sugalan.

Sa hiwalay naman na operasyon ng QCPD Station 7 sa Barangay E. Rodriguez, Quezon City, nadampot din ang tatlo pang drug suspect na nakuhanan ng 17 sachet ng shabu.
    
Umabot naman sa 29 ang naaresto ng QCPD sa magkakasunod na operasyon kontra ilegal na droga.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.