Pamimigay ng pagkain, bahagi na ng tradisyon sa Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 09:40 PM | Updated as of Jan 09 2019 11:03 PM

Watch more in iWantTFC

Para matulungan ang mga debotong mapawi ang gutom at pagod sa pagsampa sa andas ng Nazareno, may handog na biyaya ang ilang pamilya para sa kanila. 

Kabilang sa mga ito ang pamilyang Manuel na naghagis ng pera mula sa kanilang bahay sa Evangelista St. sa Maynila para sa mga deboto. 

Lalong tumindi ang agawan nang maglabas pa ng P500 ang pamilya, na nauwi sa sigawan. May isa namang pinalad na makakuha ng P50, pero agad din itong napunit dahil sa agawan.
 
Kahit naman P20 lang ang nakuha ng iba ay pakiramdam umano nila na tumama sila sa lotto. 

Ayon kay Spencer Manuel, hindi man ganoong kalaki ang kinikita nila sa pagbebenta ng religious articles ay “kakaiba” pa rin umano ang nararamdaman nila sa pagpapamahagi ng biyaya sa iba. 

Samantala, nagmistulang andas ang terrace ng pamilya Yu, na namigay ng pagkain sa higit 7,000 deboto sa Paternos St.

Kabilang dito si Angelito Ledesma na napawi raw ang pagod nang makakuha ng pagkain. 

“Sana tuloy-tuloy itong pamimigay nila para bumalik din ang blessings sa kanila,” pahayag niya. 

Nakagastos man para sa kilo-kilong karneng baboy, manok, isda, at iba pa para sa 15 klaseng putahe ay naniniwala ang pamilya na walang kapalit ang nararamdaman nila sa pagpapasaya ng kapwa. 

Watch more in iWantTFC

Nagpamahagi naman ng libreng goto sa 2,000 namamanata ang pamilya Cerdon ng Novaliches, Quezon City. 

Dala ang van at walong malaking kaldero, bumaybay ang pamilya patungong Recto Ave. para mamahagi ng pagkain sa higit 2,000 namamanata. 

Ayon kay Angelo Cerdon ginawa nila ito bilang pasasalamat sa mga biyaya at selebrasyon ng kaarawan ng kanyang ama. Ito rin daw ang unang pagkakaton na namigay sila ng pagkain. 

"Actually today is birthday noong father ko. Isa sa mga celebration ito. Nakakatanggap kami ng blessing, nagshe-share kami ng blessing," ani Cerdon, na balak gawing tradisyon ang pamamahagi ng pagkain. 

Samantala, lagpas 15 taon nang nagpapakain ang pamilya ni Kagawad Tita Corpuz sa mga dumarayong namamanata.
 
Tumulak din pa-Maynila ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak upang tumulong sa pagluluto ng samu't saring putahe tulad ng pritong manok, afritada, pancit, shanghai, menudo, at iba pa. 

Kalusugan at magandang buhay ang ilan sa hiniling ng pamilyang Corpuz ngayong Traslacion. 

Watch more in iWantTFC

BIYAYA HANGAD NG ILANG KABATAAN 

Kung may biyaya namang natanggap ang ilang deboto, ilang kabataan naman ang may kaniya-kaniyang hangad. 

Kabilang na rito si "Christian," 10 anyos, na dalawang taon nang sumasampa sa andas. 

Kasama ang kaniyang mga kaibigan na kapwa menor de edad, sumabak siya sa Traslacion sa hangad na mapagaling ang kaniyang lolong may sakit. 

Nangako siyang uulitin ito taon-taon. "Masaya 'yung pakiramdam ko," aniya. 

Musmos pa lamang ang ilan sa mga deboto pero batid nila ang realidad ng pagsuong sa hirap at peligro, sa pagbabakasaling makamit ang ginhawa sa dulo. -- May ulat nina Zyann Ambrosio, Jeff Canoy, at Fred Cipres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.