OFWs sa Middle East baka bawasan pa kung pang-aabuso di titigil

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakahanda ang gobyerno na bawasan pa ang mga overseas Filipino worker (OFW) na pinadadala sa Middle East kung magpapatuloy ang pagdami ng mga kaso ng pang-aabuso, sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello.

Binitiwan ni Bello ang pahayag kasunod ng ipinalabas niyang utos noong Disyembre na bawasan ng 10 porsiyento ang OFW deployment sa buong Middle East bunsod ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy doon at base na rin sa rekomendasyon ng mga labor attache.

"We are willing to send our overseas workers there but when they're there, they should be treated as human beings," ani Bello.

"But if it worsens, we might not limit to 10 [percent], it might even go higher," dagdag ni Bello.

Nilinaw rin ni Bello na hindi dapat mag-alala ang mga skilled worker dahil household service workers ang target nilang limitihan dahilang mga ito raw ang kadalasan nakararanas ng pang-aabuso.

Pero ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac, may iba pang klase ng OFWs na lantad sa pang-aabuso.

Bukod sa 1,000 hanggang 2,000 runaways na laging nasa shelters ng Pilipinas sa Middle East, libo-libo rin ang stranded workers mula sa mga nagsasarang construction company.

"Halimbawa, mga cleaners and I would even say iyong mga lower-skilled construction workers, kailangan din nating tingnan ang kanilang situwasyon," ani Cacdac.

Sumang-ayon naman ang non-government organization na Blas F. Ople Policy Center and Training Institute na bawasan ang deployment ng mga OFW sa Middle East.

Pero dapat daw ay may trabahong mapapasukan sa bansa ang mga hindi made-deploy na manggagawa.

Kung hindi raw kasi mapapalitan ang mawawalang oportunidad, baka pumatol lang ang ilang nagpupumilit makaalis ng bansa sa mga illegal recruiter.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.