PatrolPH

'Hitman' na dawit sa 27 pagpatay, nasawi sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 04:10 PM | Updated as of Jan 09 2019 08:06 PM

Napatay nitong madaling araw ng Miyerkoles ang isa umanong hitman matapos makaengkuwentro ang mga pulis sa bayan ng Bay, Laguna.

Nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation laban sa suspek na si Ruel De Chavez subalit nanlaban daw ito kaya nagkaroon ng engkuwentro.

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Senior Superintendent Eleazar Mata, hepe ng Laguna police, hindi lang basta 'tulak' ng droga si De Chavez kundi hitman na miyembro ng gun-for-hire group.

Mga politiko at drug lord daw ang kumukuha sa serbisyo ni De Chavez para ipatumba ang mga kalaban nila.

Umaabot na sa 27 ang napatay ni De Chavez sa Batangas at Laguna, ayon sa rekord ng pulisya.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 na baril.

Iniimbestigahan na rin ng Batangas at Laguna police ang mga politikong iniuugnay kay De Chavez.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.