CHR umalma sa 'biro, banta' ni Duterte vs COA

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 06:04 PM

Tikom man ang bibig ng Commission on Audit (COA) sa "pagbibiro" ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat dukutin at i-torture ang kanilang mga auditor, hindi naman napigilan ng Commission on Human Rights (CHR) na magpahayag ng pag-alma.

"These are serious human rights violations, if carried out, and we do hope that these terminologies will not be used even in the context of jokes and uttered against anyone, may it be an ordinary person, a public official, or COA," ayon kay CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia.

Ito ay kaugnay ng pahayag ni Duterte noong Martes, kung saan binatikos niya ang pagpuna ng COA sa sari-saring ahensiya ng pamahalaan. 

"Iyung COA, every time, may mali talaga. Ano ba itong COA na ito? Mag-kidnap tayo ng taga-COA, lagay natin dito, torture natin dito," ani Duterte. 

Mandato ng COA sa ilalim ng Saligang Batas na siyasatin at busisiin ang mga transaksiyong pinapasok ng pamahalaan upang masigurong wasto ang paggasta sa pondo ng bayan. 

Pero agad namang kumambiyo ang Palasyo at sinabing nagpapatawa at "nagpapakasutil" lang ang Pangulo.

"Masyado namang obvious na nagpapatawa lang 'yun. Iyang si Presidente, pareho lang kami niyan, sutil ang tawag du'n," ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Noong nakaraang taon din ay binatikos ng Pangulo ang COA, at sinabing dapat "ihulog sa hagdanan" ang mga tauhan nito.

—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.