Nazareno 2018: Traslacion, ipinagdiwang sa iba't ibang bahagi ng bansa

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2018 12:25 PM | Updated as of Jan 09 2018 04:18 PM

Bukod sa sentro ng pagdiriwang sa Maynila, dagsa rin ang mga deboto sa iba't ibang bahagi ng bansa nitong Martes upang makiisa sa kani-kanilang Traslacion ng Itim na Nazareno.

Cagayan De Oro

Nasa higit daan-libong deboto ang nakiisa sa Traslacion sa Cagayan De Oro. Kuha ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Sa Cagayan De Oro, tumagal ng higit 2 oras ang dalawang kilometrong Traslacion na nagsimula mula St. Augustine Cathedral patungong Shrine of the Black Nazarene.

Umabot naman sa higit 200,000 ang bilang ng mga debotong lumahok sa pagdiriwang.

Sa tala ng Cagayan De Oro Police, mas mataas ito ng 20,000 mula sa 80,000 bilang ng mga tao noong nakaraang taon.

Ayon kay Chief Inspector Mardy Hortillosa, tagapagsalita ng Cagayan De Oro Police, posibleng ang makulimlim na panahon ang isa sa mga dahilan sa mas mataas na bilang ng mga deboto.

Wala naman umanong naiulat na hindi inaasahang kagipitan sa prusisyon.

Pinalibutan ng pulisya ang karo ng Itim na Nazareno sa Cagayan De Oro dahil ipinagbabawal ang paglapit ng mga deboto sa imahen. Kuha ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Pinalibutan ng mga pulis ang karo ng Itim na Nazareno dahil maliban sa apat na hijong itinalaga para sumalo at magpunas ng mga panyo, ipinagbawal ang paglapit ng mga deboto sa imahen.

Magdaraos ng misa sa Shrine of the Black Nazarene bawat oras hanggang alas-8 ng gabi.

Davao

Hindi naman nagpatinag sa sama ng panahon ang mga deboto ng Nazareno sa isinagawang Traslacion sa Davao City.

Nag-umpisa ang prusisyon sa Black Nazarene Chapel sa New Lanzona Village. 

Kasamang dinaan ng ruta ang pangunahing kalsada ng McArthur Highway. Umikot ito sa subdivision at bumalik sa chapel para sa isang misa.

Sinundan ang misa ng isang medical mission.

Dumalo rin sa okasyon ang mga kalahok sa Little Miss Nazarene, na nakabihis ayon sa temang Year of the Clergy and Consecrated Persons, na siya ring bansag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa taong 2018.

Sa Martes ng hapon isasagawa ang Palarong Pinoy at coronation night ng Little Miss Nazarene.

Tagum

Sinimulan ang Traslacion sa Tagum City sa isang misa sa Parish of Christ the Eucharist King bandang alas-4 ng madaling araw. Kuha ni Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Ipinagdiwang din ang Traslacion sa Tagum City, Davao del Norte na nilahukan ng higit 7,000 deboto.

Bandang alas-4 ng madaling araw sinimulan ang misa sa Parish of Christ the Eucharistic King bago inilipat ang imahen sa Sagrada Corazon de Jesus Nazareno Parish.

Iloilo

Higit 500 deboto ang lumahok sa pagdiriwang ng Traslacion sa Iloilo City. Kuha ni Jennel Baclay, ABS-CBN News

Higit 500 deboto naman ang sumama sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Mandurriao, Iloilo City.

Bitbit ang mga kandila, sabay-sabay nagbikas ng panalangin ang mga deboto habang binabaybay ang Guzman Street mula at pabalik sa Mandurriao Parish Church.

Sinundan ang prusisyon ng isang misa.

-- Ulat nina Angelo Andrade, Madonna Timbal-Senajon, Jennel Baclay, at Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.