CHR, may babala sa Senado bago talakayin ang panukalang 'balik-bitay'

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2018 08:57 PM

Nagbabala ang Commission on Human Rights (CHR) sa tila "pagmamadali" ng Senado na talakayin ang panukalang pagbabalik ng death penalty o parusang bitay sa Pilipinas.

Ayon sa ahensiya, "paglabag" ito sa Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights ng United Nations, na kusang-loob pinirmahan ng Pilipinas.

"Nakapaloob du'n ang commitment na hindi sa kahit anong panahon natin ire-revive ang death penalty...Hindi magandang imahe sa Pilipinas kung tinatalikuran niya ang isang kasunduan na boluntaryo naman niyang pinasok," ani Atty. Jacqueline De Guia, tagapagsalita ng CHR.

Inilabas ang pahayag matapos ilantad ni Senate President Aquilino "Koko" Pimentel na plano nilang isalang sa plenaryo ang death penalty bill bago matapos ang Enero, na hahawakan ni Senador Manny Pacquiao, isang tagasuporta ng bitay.

"Ang commitment namin is by January, under the leadership of Senator Pacquiao, we will now be tackling the death penalty in plenary," ani Pimentel. 

Kinontra naman ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, at sinabing wala sa pinagkasunduang "priority bills" ng Senado at Kamara ang pagtalakay sa panukalang bitay.

"I am not aware of any change in the priority list that we have agreed with the House [of Representatives]...The priority agenda of both Houses did not include the restoration of the death penalty," giit ni Drilon.

Hirit naman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), hindi dapat magpa-pressure ang Pilipinas sa nasabing protocol at sa halip ay dapat magpataw pa ng mas marahas na anyo ng bitay laban sa mga kriminal.

"Yung lethal injection, mahal 'yan. Pangalawa, what a sweet way to die," ani Arsenio "Boy" Evangelista, tagapagsalita ng VACC.

"Naniniwala kami na buhay ay sagrado. Sagrado sa law-abiding citizens. But 'pag lumabas ka na du'n sa pagiging law-abiding citizen...then you lose your right to life," dagdag ni Evangelista. 

Sa Kamara, pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang death penalty bill habang committee level pa lamang ito sa Senado.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.