Lalaki, patay sa Palawan matapos umanong manlaban sa pulis

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2017 08:11 PM

PALAWAN - Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis sa isang buy-bust operation sa Sitio Macadam, Barangay Rio Tuba, sa bayan ng Batarza, Palawan nitong Linggo.

Kinilala ang lalaki na si Daniel Acob, alyas Naning. 

Ayon sa Palawan Provincial Police, matapos makipagpalitan ng pera at hinihinalang shabu sa "asset" ng pulis ay nakatunog si Acob na aarestuhin siya kaya nanlaban umano ito at pinaputukan ang mga pulis.

Nakipagpalitan ng putok ang mga awtoridad at tinamaan si Acob. Isinugod ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Narekober sa suspek ang isang caliber .45 na baril, dalawang plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu, at ang marked money na ginamit ng asset.

Bineberipika pa ng mga pulis ang lisensya ng baril.

Hindi pa matukoy kung kasama sa drug watchlist ng Philippine National Police (PNP) si Acob.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.