2 'hitman' umano ni Kerwin Espinosa, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2017 08:28 PM

LEYTE- Hinuli ng Leyte Police Provincial Office ang dalawang diumano'y "hitman" ng drug lord na si Kerwin Espinosa sa Ormoc City.

Ang mga suspek ay kinilalang si Jesus Tolin alias Loloy sa Barangay Macabug sa Ormoc, Leyte, at Brian Anthony Zaldivar alias Tonypit sa Barangay Luna sa nasabi ring siyudad.

Ang dalawa ay hinuli dahil sa pagpatay kay Gregorio Velarde noong Setyembre 2014.

Nangyari ito sa harap mismo ng hotel na pagmamay-ari ng mga Espinosa sa bayan ng Albuera.

Iniharap ang mga suspek sa Regional Trial Court Branch 14 sa Baybay City kung saan sinabi ng korte na ikulong ang mga suspek sa Baybay Sub-provincial Jail.

Maliban sa kasong murder na hinaharap ni Jesus Tolin, nahaharap pa ito sa ibang kaso matapos makuhanan ng baril at bala.

Ayon kay Police Inspector Ananias Monteroso, si Kerwin Espinosa ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Velarde.

“Mayroong warrant of arrest at ang principal suspek ay si Kerwin Espinosa kinalaman ito sa Velarde case,” ani Monteroso.

Ayon sa kamag-anak ni Velarde, nagpapasalamat sila sa mga otoridad dahil unti-unting nabibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Si Tolin at Zaldivar ay dati nang sumuko kay Chief Inspector Jovie Espenido ngunit si Zaldivar ay umatras sa kanyang mga testimonya ukol sa mga protektor umano ni Kerwin.

Tumangging magbigay ng panayam sina Tolin at Zaldivar.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.