DATU PIANG, Maguindanao—Sumiklab ang engkwentro sa pagitan ng mga awtoridad at hindi pa nakikilalang armadong grupo sa Barangay Buayan sa bayang ito Biyernes ng gabi.
Sa imbestigasyon, pinaputukan ang outpost ng barangay peacekeeping action team at PNP kaya binawian sila nito ng putok.
Isang miyembro ng BPAT na si Anwar Guiamaloden ang sugatan.
Nahuli naman ang isa sa mga suspek na si Fahad Paglas.
Posible umanong target ng pamamaril ang bahay ni Mayor Victor Samama, dahil malapit lang ang BPAT outpost sa bahay nito. Isa sa mga tinitingnang motibo ng krimen ay may kinalaman sa pulitika at nalalapit na eleksyon.
May mga ilang residente naman na lumikas dahil sa takot sa nangyaring tensyon.
Sabado ng umaga mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga border checkpoints. Pinagbawalang makapasok ang mga may dalang armas na hindi pulis o sundalo.
Patuloy pang pinaghahanap ang iba pang sangkot sa krimen. — Crislen Bulosan
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.