Umano'y tulak ng droga, patay matapos 'manlaban' sa Maynila

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2021 05:59 AM | Updated as of Jan 08 2021 01:48 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Patay ang isang lalaki matapos mauwi umano sa engkuwentro ang isang buy-bust operation sa Plaza Mexico sa Ermita, Maynila nitong Biyernes ng hatinggabi.

Ayon kay Police Lt. Col. Ariel Caramoan, hepe ng Ermita PNP,
nakatanggap sila ng impormasyon na may mga tulak umano ng droga mula sa Cainta, Rizal na nagbabagsak ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

Pasado hatinggabi nang makipagtransaksiyon ang mga pulis sa isang “Ish” at kasama niyang lalaki na wala pang pagkakakilanlan.

Bago pa man magpositibo ang operasyon ay nakatunog umano ang 2 lalaki na pulis ang ka-transaksiyon kaya bumunot sila ng baril at pinaputukan ang mga operatiba.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga lalaki. Nakatakas naman si "Ish” sakay ng isang SUV.

Nakalap ng pulis sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang kalibre .45 na baril at 7 medium-sized sachet nang hinihinalang ecstasy o party drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.