Nagpanggap na talent handler arestado sa pambubugaw, pagbebenta ng nude videos

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2021 07:20 PM

Arestado ng NBI Cybercrime Division ang isang lalaking nagpapanggap umano na talent handler para mambugaw at ibenta sa social media ang nude videos ng mabibiktima. Retrato mula kay Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

MAYNILA – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang isang lalaking nagpapanggap umano na talent handler pero ibubugaw lang pala ang mga biktima at ibebenta ang kanilang nude videos sa social media.

Humingi ng tulong sa NBI ang pamilya ng 18 anyos na si alyas "Anna" matapos utusang gumawa ng malalaswang bagay ng nagpapakilalang handler na si Bonifacio Cordero.

Inaresto ng NBI si Cordero sa kanyang bahay sa Tayuman, Maynila noong Huwebes.

Kuwento ni Anna, nakilala niya online si Cordero na naghahanap umano ng mga babaeng talent para sa isang online promotion.

Inalok niya ang biktima ng trabaho na may bayad na P4,500 kada appearance.

Pero nang makipagkita si Anna sa kanya, iba na ang pinagagawa umano ni Cordero sa kanya.

Sa imbestigasyon, nalaman na binebenta pa ni Cordero online ang mga video ng mga kalaswaan sa mga nabibiktima.

"P1,000 po kada 1 minute na video," sabi ng suspek.

Ayon sa NBI, mga estudyante ang naeenganyo ni Cordero dahil pinapangakuan ng malaking kita, pati na rin pambayad sa load para sa kanilang online class.

Paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang isinampa laban kay Cordero.

–Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.