MAYNILA – Ilang respondents sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera ang humarap sa media at iginiit na walang rape na nangyari sa kanilang itinuturing na malapit na kaibigan.
Lumantad ang 4 sa mga idinadawit sa kontrobersiyal na insidente, at sinabi nilang walang foul play sa pagkamatay ng 23 anyos na dalaga noong Enero 1.
Kabilang sa mga nagsalita sina Rommel Galido, JP dela Serna, Valentine Rosales, at Clark Rapinan, ilang sa mga kasama ni Dacera noong mga huling oras na buhay ito sa isang Makati hotel para salubungin ang bagong taon.
Kinumpirma nila na 11 sila sa kuwarto kasama si Dacera at lumilipat sila sa room 2207 dahil may common friend sila doon.
"First is kaming lahat ay pumunta sa room 2207 kasi before the new year started nag-gatecrash kami sa kabilang room kasi may kasama kami na may friend sa kabilang room so pinakilala niya kami," sabi ni Dela Serna.
Magmula noon ay pabalik-balik na sila sa magkabilang kuwarto.
Inamin din ni Rosales na siya ang lalaki na makikita sa CCTV na hinalikan ni Dacera.
Sabi nila, noong pasado alas-6 ng umaga ay binuhat nila si Dacera mula sa kabilang kuwarto dahil sa sobrang kalasingan umano nito.
Ayon naman kay Galido, alas-10 ng umaga nakita pa niya sa bathtub si Dacera pero parang nahihirapan itong huminga.
"She was still breathing... Nag-move 'yung hand niya, I took it as her gesturing me away. I thought comfy na siya du'n... I took a blanket and put it over her," sabi ni Galido.
Nagpaiwan daw si Dacera sa banyo dahil takot itong masukahan ang kama.
Alas-12 ng tanghali nang makita daw ni Galido na masama na ang kalagayan ni Dacera sa bathtub.
Tumawag na sila ng responde sa management nang hindi na ito humuhinga kahit pa i-CPR (cardiopulmonary resuscitation).
Sabi pa nila, may kabagalan ang pagdating ng staff ng hotel kaya hindi agad nadala sa pagamutan si Dacera.
Nilinaw ng grupo na wala sa kanilang gumamit ng droga pero hindi nila ito matiyak para sa kabilang kuwarto.
Sabi nila, walang panggagahasa dahil kung mayroon man ay sasabihin agad ito ni Dacera sa kanila.
Ayon pa sa respondents, handa silang sumailalim sa drug test kung kinakailangan.
–Ulat nina Karen Davila at Jeck Batallones, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, krimen, rape, flight attendant, crime, Makati, Makati City, Christine Dacera, rape slay, TV PATROL, TV PATROL TOP