Ilang barangay sa Biñan City, apat na buwan nang baha

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2021 04:51 PM

MAYNILA – Matinding perwisyo na sa mga residente ng Barangay Dela Paz, Biñan City, Laguna ang dulot ng hindi pa humuhupang baha magmula noong Setyembre 2020 o apat na buwan na ang nakakaraan.

Setyembre nang tumaas ang baha sa lugar dahil sa mga pag-ulan pero tumindi ito nang magkasunod-sunod ang mga bagyo noong Oktubre.

Pero hindi lamang pala Barangay Dela Paz ang nagtitiis sa baha, kundi pati na rin ang Barangay Malaban.

Hanggang baywang ang pinakamalalim kaya hirap ang mga residente na pumasok sa trabaho at mamalengke. Mabaho na rin ang tubig.

Bangka na ang ginagamit na transportasyon pero dahil sa mahal ang bayad kada pasahero ay marami ang napipilitang lumusong sa baha para makalabas ng barangay.

Ito umano ang isa sa mga dahilan kaya marami ang nagkakaalipunga.

Namimigay naman ng gamot ang City Health Office laban sa alipunga at leptospirosis.

Ayon kay Mayor Arman Dimaguila Jr., ang dahilan ng di mawalang baha ay ang malaking tubig sa lawa ng Laguna. Umapaw ang tubig sa lawa ng Laguna at pumantay na ito sa barangay.

Sabi ng mga residente, ito na ang pinakamatagal na baha na kanilang naranasan.

Ang apela ng mga residente ay sana magkaroon na ng pangmatagalang solusyon ang pagbaha sa kanilang barangay.

–Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.