Deployment ceiling sa health workers, pagtiyak na may tutugon sa banta ng pandemya sa bansa: POEA

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2021 05:09 PM

MAYNILA - Dapat na mabantayan ang deployment ng health care workers sa ibang bansa para matiyak na mayroong matitirang susuporta sa healthcare system sa bansa.

Ito'y sa gitna ng patuloy na pagpapatupad ng deployment ceiling sa mga health care workers, na limitado sa 5,000 ang maaaring lumabas ng bansa kada taon. 

“Napakaimportante po na aming susubaybayan 'yung bilang ng deployment nang sa ganun 'yung sarili nating pangangailangan sa ating health care system sa Pilipinas ay mabigay natin,” pahayag ni Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Olalia na bago magkaroon ng pandemic, pumapalo sa 12,000 hanggang 14,000 ang deployment ng nurses bawat taon.

“Pero last year, kahit umiiral na 'yung temporary suspension, kalagitnaan pa lang ng taon, nakapag-deploy na tayo ng 12,000. Importante po 'yung kalusugan ng ating mga kababayan at hindi po natin pababayaan ang sariling health care system para tugunan 'yung pandemya sa ating bansa,” aniya.

Nitong nakaraang Nobyembre, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtanggal sa suspension ng deployment ng nurses at medical workers sa ibang bansa.

“Sa ngayon lifted na po 'yung temporary suspension sa deployment natin ng 3 categorya doon sa MCS—Mission Critical Skills. Wala na pong deployment ban sa nurses, nursing aide, at nursing assistants,” sabi niya

Pero para matiyak na may matitirang health care workers sa bansa, tanging 5,000 HCWs lamang ang papayagang makaalis para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Umiiral pa rin aniya ang deployment ban sa ibang kategorya tulad ng physicians, dentists, at pharmacists.

“Kasama din sila sa bilang na 5,000 (ceiling) at 'pag 'yun ay narating kailangang magbigay kami ng suggestion o magkakaroon kami ng pag-aaral, kinakailangan bang i-increase namin 'yung deployment na hihigit pa sa 5,000,” saad niya.

Watch more on iWantTFC

Paliwanag ni Olalia, makikipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration para tiyaking pareho ang kanilang numero— ang mga nabigyan ng overseas employment certificate ng POEA at ang bilang ng mga nakaalis mula sa BI. 

Hindi naman kasama sa ceiling na 5,000 ang kailangan na 500 Pinoy caregivers ng bansang Israel.

“Ito pong paga-apply ginagawa nating online, mayroon tayong tinatawag na electronic registration na ang link nandoon sa POEA website,” sabi niya.

Matapos mag-register ay may mga requirement na kailangang isumite sa regional o satellite offices ng POEA.

“Magkakaroon ng pre-qualification na kung saan susuriin ng POEA lahat po ng dokumentong isinumite at pagtapos po sila ay makakatanggap sa lalong madaling panahon ng notice na sila na po ay prequalified,” ayon kay Olalia.

Isusumite din nila ang listahan sa katuwang nila sa Israel para makapagtakda naman ng interview at matching ng employer.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC