ALAMIN: Mga puwede, bawal gawin sa 'pandemic Traslacion'

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2021 05:57 PM | Updated as of Jan 08 2021 09:01 PM

Devotees attend the Friday masses outside Quiapo church, a day before the celebration of the Feast of the Black Nazarene, following physical distancing protocols while they pray on January 8, 2021. Church and government authorities have imposed strict measures to prevent the spread of the coronavirus as people observe the annual tradition. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Kahit suspendido muna ngayong pandemya ang tradisyonal na Traslacion - na kalimitang dinadagsa ng milyon-milyong deboto - inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa Quiapo Church sa Sabado, Disyembre 9, o ang Pista ng Poong Nazareno. 

Pero ano nga ba ang mga gagawin sa Traslacion ngayong taon? 

May mga ipapatupad na mga health protocol ang mga awtoridad, ayon sa Manila Police District. 

Ani MPD chief Leo Francisco, kukuhanin ang body temperature, at dapat magsuot ng face shield at face mask ang mga deboto. 

Dapat ding sundin ang pila. Aabot lang sa 400 ang papayagan sa loob ng simbahan. 

Watch more in iWantTFC

Kung magdadala ng bag, ipinapayong gumamit ng transparent na bag para hindi mahirapan sa pag-iinspeksyon. Mainam din anilang magdala ng transparent na lalagyan ng baong tubig. 

Nasa 18 anyos pataas lang ang maaaring dumalo sa misa, alinsunod sa pandemic task force protocols. 

Paalala rin ng MPD, na may curfew ang lungsod kaya bawal anilang mag-overnight sa paligid ng simbahan. Paaalisin at sisitahin ng mga pulis ang gagawa nito. 

Babala ni Francisco, aarestuhin ang mga tahasang lalabag sa mga protocol. 

"Kung hindi makaya ng maximum tolerance meron talagang ipatutupad na pag-aresto sa mga di susunod," ani Francisco. 

"Iba po ang sitwasyon ngayon, ang panganib ng COVID ay nandiyan pa. At kung gusto nating magkaroon ng marami pang Traslacion, tiyakin natin na ligtas tayo sa panahon na ito," dagdag niya. 

SITWASYON SA QUIAPO 

Nagpapatuloy naman ang dagsa ng mga tao para sa misa sa Quiapo Church nitong Biyernes. 

Sa dami ng mga deboto, umabot nitong umaga ng Biyernes ang pila sa Quezon Boulevard, paikot ng Carlos Palanca Street, Villalobos, patungong Plaza Miranda papasok ng simbahan. 

Inalis na rin ng MPD ang mga vendor sa paligid ng kalsada, at maging ang lahat ng nakaparada - bilang paghahanda sa mga road closure para sa prusisyon. 

Ipapakalat ng MPD at ng National Capital Region Police Office ang 6,000 pulis at higit 1,000 force multiplier. 

Aabot din sa 29 control points ang inilatag para makontrol ang dami ng tao. 

Pinag-aaralan din ng MPD kung puputulin ang cellphone signal sa Sabado. 

Umapela naman si Eugenio Jongco, pangulo ng Hijos de Nazareno Central, sa mga debotong makikiisa sa mga inilatag na protocol. 

"Sana magkaisa po sa gagawin nating pagsasaayos itong araw ng January 9 dahil ito po ay para naman sa lahat, hindi naman para sa iilang tao lang. Sana naman po sundin natin 'yung mga alituntunin at mga patakaran para naman po sa kapakanan ng pangkalahatan para hindi tayo magkaroon ng COVID-19," ani Jongco. 

Ipinapayo rin na kung may sakit gaya ng ubo, sipon o lagnat ay huwag nang pumunta sa simbahan. 

-- May ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.