Vendors, truckers dumaing sa traffic, clearing ops dahil sa Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 07:31 PM | Updated as of Jan 08 2020 07:51 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sa bisperas ng Traslacion, 3 truck ng basura ang napuno ng pinagsamang puwersa ng Manila Police District at Manila City Hall dahil sa lahat ng nakumpiska nila mula sa vendors na pasaway pa ring nagtitinda sa ruta ng prusisyon.

Pati baboy na ihahanda lang sana sa pista, hindi nakaligtas sa clearing operations at kinumpiska din ng mga awtoridad.

"Nanghihinayang kami kasi panata na namin yan eh... Taon- taon na namin ito ginagawa," ayon sa debotong may-ari ng baboy.

"Mahirap kasi hindi dumaan sa inspeksiyon 'yang baboy tapos papakain nila," giit naman ni Jorgette Sucat mula sa Manila City Hall. 

Sabi ng MPD, patuloy silang maghihigpit para na rin sa seguridad ng lahat ng sasama sa Traslacion sa Huwebes. 

Importante umanong pairalin pa rin ang disiplina para matiwasay na maisagawa ang prusisyon ng Itim na Nazareno.

Umaasa ang buong puwersa ng pulisya na magiging maayos ang Traslacion basta't makikipagtulungan din ang lahat. 

VENDORS APEKTADO

Watch more in iWantTFC

Pero kung masaya ang mga deboto sa clearing operations, naghihinagpis naman ang vendors na aminadong wala masyadong kita.

Ang sorbeterong si Boy Valdez, ramdam ang tumal ng benta lalo’t limitado ang puwede nilang puwestuhan.

Hindi naman kontra ang vendor na si Gener Abelar sa pagbabago pero nanghinayang lang siya sa sana’y kikitain niya kapag ganitong okasyon.

"Ngayon po, maayos 'yung pila, kaya lang po 'yung mga vendors medyo naapektuhan nga sa paghahanapbuhay. Kasi ayaw ni Mayor Isko Moreno na makalat," ani Abelar.

TRAFFIC

Watch more in iWantTFC


Perwisyo naman ang inabot ng mga trucker sa pagsasara ng mga daan para sa ruta ng Traslacion.

Ang dating isa hanggang isa't kalahating oras na biyahe mula pier papuntang Cavite at Laguna, inabot ng 3 hanggang 4 na oras hanggang Nagtahan lang.

Ayon kay Teddy Gervasio ng Alliance of Philippine Brokers and Truckers, hindi lang perwisyo ang inabot ng mga driver.

"Sa haba ng traffic, paglabas mo truck ban na... Magbabayad ng multa ang mga driver na inabot ng truck ban, moving violation kaya sagot ng drivers 'yan. P5,000 'yan," ani Gervasio.

"Ang problema diyan, may backlog pa kami ng holiday season, tetengga pa lalo 'yan dun," dagdag niya.

—Ulat nina Zyann Ambrosio, Jorge Cariño, at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.