TIPS: Mga dapat gawin kapag may hinimatay, napilayan sa gitna ng Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 05:43 PM | Updated as of Jan 08 2020 06:53 PM


MAYNILA — Noong 2019, higit 1,600 ang bilang ng mga tinulungan at ginamot ng Philippine Red Cross (PRC) sa Traslacion, ang taunang prusisyon sa imahen ng Itim na Nazareno na nilalahukan ng milyon-milyong deboto.

Kaya sa gaganaping Traslacion sa Huwebes, nagpaalala ang PRC sa mga dapat gawin sakaling may emergency. 

Ayon sa PRC, madalas na nirerespondehan ang mga hinihimatay dahil sa init, pagkagutom, o pagkauhaw.

"Dapat nakapagpahinga ka nang maayos, nakakain ka. Magbaon ka ng tubig... Magbaon ka na lang ng chocolate kung pamilyar kang kumain ng chocolate kasi ang chocolate will give you energy. Makakatagal ka sa sitwasyon kung nasaan ka," ani Von Ryan Ong, PRC safety services manager. 

Sakaling may makitang hinimatay, agad siyang dalhin sa lilim kung saan makakalanghap siya ng sariwang hangin, malayo sa mataong lugar.

Posible kasing tumaas ang temperatura ng katawan ng pasyente. 

Kung may bimpo, basain ito at ipunas sa kaniyang mukha at noo.

"Dahil mas importante 'yung dugo doon sa brain natin, then eventually puwedeng punasan kung mainit siya, for example heat exhaustion, or pwedeng heat stroke so kailangan din hydrated 'yung pasyente," ani Ong.

Iangat ang mga paa ng biktima para dumaloy ang dugo sa ulo nito

Bukod sa kawalan ng malay, mayroon ding panganib ng pagkapilay o pagkabali ng buto.
 
"Hindi lang dahil sa nagkakatulakan, 'yung iba ay nahuhulog kasi 'yung iba sumasampa sa mga tungtungan. Nagkakaroon sila ng hindi lang bali kundi dislocation ng joints," sabi naman ni Leo Ebajo, PRC emergency response unit manager.

Maaaring gumawa ng soft sling gamit ang tinuping tela sakaling may kasamang nabalian ng buto.

Samantala, dahil nakayapak ang mga deboto, hindi nawawala ang peligro ng pagkasugat ng paa at talampakan.

Kailangang malinisan at matapalan agad ang sugat para iwas impeksyon.

Kung may emergency, agad tumawag sa emergency hotline 911 kung may signal o kaya ay lumapit sa mga emergency personnel na naka-standy by.


—Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.