Pekeng abogado timbog sa pamemeke ng annulment papers

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 03:08 PM

LUCENA CITY, Quezon — Timbog sa lungsod na ito nitong Miyerkoles ng umaga ang isang lalaking inireklamo dahil sa pagpapanggap bilang abogado. 

Sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI), huli sa loob ng isang branch ng fast food chain si alyas "Manoy" nang tanggapin ang P150,000 mula sa kliyenteng si alyas "Rosemary."

Pumalag pa si Manoy pero kalaunan ay sumama rin sa mga taga-NBI. 

Ayon kay Rosemary, Setyembre 2019 nang ibigay ng suspek sa kaniya ang katibayan umano na legal na silang hiwalay ng dati nitong asawa.

Pero nang beripikahin niya sa regional trial court, napag-alaman niyang peke ang mga annulment papers na ibinigay ni Manoy.

Sa imbestigasyon, ikatlong beses na palang nahuli si Manoy dahil sa pagpapanggap na abogado.

Sasampahan ng mga kasong estafa at usurpation of authority and public officials ang suspek.

Posible rin siyang makasuhan ng falsification of documents dahil sa pamemeke ng pirma ng huwes.

Paalala ng NBI, sumunod lagi sa proseso ng batas. Makikita rin umano sa website ng Supreme Court ang listahan ng mga lehitimong abogado sa bansa.

Naniniwala ang NBI na marami pang nabiktima ang suspek kaya hinihikayat nila itong magreklamo para tumibay pa ang kaso laban dito.


—Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.