Motorcycle rider, nagulungan ng bus sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 03:52 AM | Updated as of Jan 08 2020 08:33 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

PASIG - Isang motorista ang nasawi matapos sumemplang at magulungan ng bus Martes ng gabi sa Eastbound lane ng Ortigas Avenue, Pasig City. 

Ayon kay Ricardo Erilla, driver ng bus, mabagal at nasa 20kph lang ang andar nila nang bigla na lang silang nakaramdam na may nasagasaan na sa likurang gulong ng bus. 

Ayon sa mga nakakita sa aksidente na ayaw mapangalanan, bigla na lang umanong natumba o sumemplang ang motorcycle rider at pumailalim sa bus.

Paalala ng Pasig Police Station sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho lalo na ang mga nagmomotorsiklo kapag umuulan o basa ang daanan. Kakatapos lang umulan sa lugar kaya basa at madulas ang kalsada.

Sa ngayon, hawak pa ng mga pulis ang driver at conductor ng bus na nakasagasa sa biktima. -Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.