Mga sasampa sa karosa sa Traslacion sa Iligan, bawal na

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 06:38 PM | Updated as of Jan 08 2020 07:18 PM

Hindi na papayagan ang mga deboto na sumampa sa karosa ng Black Nazarene sa isasagawang Traslacion sa Iligan sa Huwebes para umano maiwasan ang pagkasira ng imahe, na nangyari noong nakaraang taon dulot ng tulakan at pag-uunahan ng mga deboto makalapit sa istatwa.


ILIGAN - Hindi na papayagan ang mga deboto na sumampa sa karosa ng Black Nazarene sa isasagawang Traslacion sa lungsod sa Huwebes. 

Nasira umano ang likod ng imahe ng Nazareno noong nakaraang taon dahil sa tulakan at pag-uunahang makapahid ng panyo sa naturang banal na estatwa.

Ayon sa debotong si Ronald Tagaylo, napaayos nila ang sira pero nag-iingat na sila na hindi maulit ito.

Apat lang silang nakatalagang tagapahid ng panyo sa imahen sa prusisyon ng imahe.

Magkakaroon din ng mas maraming tanod at bantay sa daan lalo't mas mahaba ang ruta ngayon kaysa nakaraang taon.

Mangunguna sa Traslacion ang team ng explosive ordinance unit ng pulisya, para masiguro ang kaligtasan ng prosesyon.

Ipagbabawal din ng mga awtoridad sa mga deboto ang pagsusuot ng sombrero at pagdadala ng backpack para mas madali silang kilalanin at hindi rin maantala ang pagpasok sa simbahan sa pag-iinspeksiyon ng bag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.