Mag-asawa patay sa pamamaril sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 02:35 PM | Updated as of Jan 08 2020 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patay sa pamamaril ang mag-asawa nang pasukin ng hindi pa nakikilalang salarin ang kanilang bahay sa Imus, Cavite noong gabi ng Martes.

Sa ulat ng Cavite police, kinilala ang mga biktima bilang sina Lowel at Madelyn Dimapilis, na pinagbabaril umano sa loob ng kanilang bahay sa subdivision sa Barangay Malagasang.

Pinasok ng gunman ang bahay saka pinagbabaril ang mag-asawang nakaupo sa sofa, ayon kay Col. Marlon Santos, direktor ng Cavite Provincial Police Office.

Hindi pa tukoy ang motibo sa krimen, pero tinitingnan ang anggulong droga dahil may nakita umanong "foil" na nakabilot sa loob ng bahay.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 8 basyo ng mga bala ng kalibre .45 na baril at 3 tingga.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng namaril.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.