Lalaki patay, 2 huli sa Batangas drug bust

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 02:56 PM

Patay ang isang hinihinalang tulak nang mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation ng mga pulis sa Tanauan, Batangas noong gabi ng Martes, kung saan 2 rin ang naaresto.

Naitakbo sa ospital pero binawian din ng buhay ang suspek na si Fredrick Marudo o alyas "Mark," ayon kay Lt. Col. Rey Ochavo, hepe ng pulisya sa karatig-lungsod na Santo Tomas, na nagkasa ng operasyon.

Konektado umano sa drug group sa Batangas si Marudo at dati na ring nasugatan nang makaengkuwentro ng mga pulis.

Arestado rin ang kapatid ni Marudo na si Lyndon at kasamahan na si Narciso Makalintal.

Sa operasyon, nakahalata umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya agad sumakay ng kotse at humarurot.

Nagkaroon umano ng habulan na nauwi sa palitan ng mga putok ng baril.

Narekober sa mga suspek ang P85,000 na halaga ng hinihinalang shabu at 3 baril.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.