Iloilo, isinailalim sa state of calamity

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 09:43 AM

Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Iloilo dahil sa pinsalang idinulot ng nagdaang bagyong Ursula.

Nasa 16 ang naitalang namatay sa lalawigan habang umabot naman sa 36 hanggang 99 porsiyento ang mga palayang nasalanta ng bagyo.
 
Ayon kay Dr. Jerry Bionat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nasira ang mga palayan, taniman ng mais at mga bangkang ginagamit sa pangkabuhayan ng mga residente.

Kasunod ng deklarasyon ng state of calamity Martes ng hapon, magagamit na ang mahigit P54 milyon na calamity fund na manggagaling sa trust fund ng probinsiya.

Nagpapatuloy pa ang rapid assessment ng PDRRMO Iloilo sa pinsalang naidulot ng bagyo.

Napagkasunduan din sa isinagawang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Iloilo na paglalaanan ng pondo ang pagpapabuti ng emergency response gaya ng pagdagdag ng trained emergency responders, emergency equipment, response vehicles at iba pa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.