'Biyaheng Makati-QC 20 minuto na lang kapag Skyway nagbukas na'

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 04:49 PM | Updated as of Jan 08 2020 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Asahan ang pagluwag ng trapiko sa EDSA at iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila dahil malapit nang matapos ang mga ginawang elevated highway, ayon sa tagapamuno ng programang pangimpraestruktura ng gobyerno.

Sa pagitan ng Abril at Hunyo ngayong taon, magagamit na ang Skyway Stage 3 project, na magdudugtong sa Makati at Quezon City at magpapaigsi sa travel time nang 20 minuto, ayon kay Anna Mae Lamentillo, chairperson ng komiteng may hawak sa "Build, Build, Build" program.

"Kung dati, aabutin ka nang 2 hours to ply Makati to Quezon City, when this is completed, 20 minutes na lang," ani Lamentillo.

Sunod namang mabubuo bago matapos ang 2020 ang NLEX North Harbour Link highway na magsisimula sa Caloocan hanggang Port Area.

Buong araw magiging bukas ang harbour link sa mga truck kaya inaasahang mababawasan umano nang hanggang 70 porsiyento ang mga truck na bumabaybay sa mga kalsada sa Metro Manila.

Bago naman matapos ang 2021, bubuksan na rin ang NLEX-SLEX connector na magdudugtong sa NLEX North Harbour Link at Skyway Stage 3.

Ang 8 kilometrong connector ay alternatibong daan, bukod sa EDSA at C-5 Road, kung galing ng North Luzon Expressway papuntang South Luzon Expressway.

"Dati 2 to 3 hours going to the south, we feel that after these projects are completed, every major city will be connected between 20 to 30 minutes time frame," ani Lamentillo.

Bukod sa mga highway, nariyan din ang mga linya ng tren.

Bago matapos ang 2021, 5 sa 8 istasyon ng LRT-1 Cavite extension ang inaasahang mabubuksan, at magdudugtong sa Pasay at Bacoor, Cavite.

Sa kalagitnaan din ng 2021 magagamit ang mga bagong tren ng Philippine National Railways (PNR). Bibiyahe ang mga bagong tren mula Maynila patungong Calamba, Laguna; Naga City; at Legazpi City, Albay.

Bago rin matapos ang 2021, may mga istasyon na rin ang PNR mula Tutuban, Maynila hanggang Malolos, Bulacan.

Sisimulan na rin sa susunod na taon ang konstruksiyon ng MRT-4 mula Quezon City hanggang Taytay, Rizal.

Pinakamalaki sa lahat ng rail projects ang kauna-unahang Metro Manila Subway, na tinawag ng Department of Transportation bilang "project of the century."

Magkakaroon ang subway ng 15 istasyon, kabilang ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 station.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.