8 timbog sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 08:02 AM

Watch more in iWantTFC

MAKATI - Timbog ang 7 lalaki at isang babae sa magkakahiwalay na buy-bust operation Martes ng gabi sa Makati.

Photo Courtesy of Makati City Police Station

Aabot sa 93 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P70,560 ang nasamsam mula sa mga suspek.

Ayon kay Police Lt. Jeson Vigilla ng Makati City Police Station drug enforcement unit, magka-ugnay ang unang dalawang operasyon nila na parehong isinagawa sa Barangay Poblacion matapos ituro ng isang suspek ang kanyang mga kasamahan.

Aminado naman ang isa sa mga suspek na istilo ng kanilang grupo na mag-check-in sa iba't ibang kwarto ng hotel araw-araw at doon magsagawa ng bentahan ng droga at drug session.

Huli naman sa hiwalay na buy-bust operation sa East Rembo ang 3 pang lalaki habang timbog sa Barangay Sta. Cruz ang babaeng suspek.

Sa ngayon, pinaghahanap pa ang kasamahan ng mga inaresto. -Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.