PatrolPH

Lalaking nanaksak ng katabi sa bus, napatay ng pulis

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 11:15 AM

Lalaking nanaksak ng katabi sa bus, napatay ng pulis 1
Nakahandusay pa ang suspek sa tabi ng kalsada matapos na mabaril ng pulis. Nanakbo ang suspek matapos na manaksak ng katabing pasahero sa bus.

DAVAO CITY – Patay ang isang lalaking nanaksak ng katabing pasahero sa bus, Martes ng umaga.

Nabaril ni PO1 Reynald Valdez, miyembro ng Traffic Group sa Davao City Police, ang 41-taong gulang na si Junie Luceño.

Ayon kay Valdez, sinubukan siyang saksakin ni Luceño kaya niya ito nabaril.

"Pinadapa ko siya, pero bigla siyang tumayo at inatake niya ako. Muntik pa niya akong saksakin kaya binaril ko siya," sabi ni Valdez.

Sa salaysay naman ng kapatid ng suspek na si Winnie, sinabi nitong sakay sila ng bus papuntang Davao City Overland Terminal nang biglang saksakin ng kaniyang kapatid ang katabi nito na si Joel Salazar, 33-anyos, sa ulo.

Matapos ang insidente, biglang bumaba si Luceño sa bus na sinundan naman ng kaniyang kapatid. Tiyempong nagmamando ng trapiko si Valdez kaya't agad na ipinahuli ni Winnie ang kapatid.

Ayon sa kapatid, wala namang sakit sa pag-iisip ang suspek pero mula nang lumuwas sa Davao, napansin nilang balisa ito.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala ang suspek sa katawan dahilan sa pagkamatay nito.

Samantala, dinala naman sa ospital ang nasaksak na pasahero ng bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.