Palasyo, kokontra sa pagbasura ng kaso laban kay Reyes ng Palawan

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2018 10:27 PM | Updated as of Jun 04 2019 12:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nais ng Malacañang na baligtarin ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na ibasura ang kasong murder laban sa dating gobernador ng Palawan na si Joel Reyes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, gagamitin ng gobyerno ang lahat ng "legal options" para mabaligtad ang desisyon ng korte.

“The [dismissal of the] case was a kababalaghan (mystery) and a travesty of justice,” sabi ni Roque sa isang press briefing nitong Lunes.

Si Reyes ang itinuturong responsable umano sa pagpatay kay Dr. Gerry Ortega, isang brodkaster at environmentalist, noong 2011.

Biyernes nang makalaya si Reyes matapos i-dismiss ng CA ang kaniyang kaso, na unang napagpasyahan ng Puerto Princesa Regional Trial Court (RTC) Branch 52 sa pahintulot ng Korte Suprema.

“I find it alarming that the CA decision overruled an earlier SC decision and arrogated its own judgment for that of the regional trial court that had the opportunity to physically accept the evidence, observe the demeanor of the witnesses and concluded that there was in fact probable cause,” ani Roque.

Dagdag pa ni Roque, na nagsilbing abogado ng pamilya ni Ortega, plano niyang kausapin sina Solicitor General Jose Calida at Justice Secretary Vitaliano Aguirre hinggil sa kaso.

Di sapat ang ebidensiya

Ayon sa CA, wala nang ibang ebidensiya na nag-uugnay kay Reyes sa pagpatay kay Ortega maliban sa salaysay ng state witness na si Rodolfo Edrad.

Sinabi ng korteng mayroong inconsistencies o hindi pagkakatugma ang mga salaysay ng testigo kaya hindi mapagkakatiwalaan ang mga pahayag nito.

Sa 24-pahinang desisyon na isinulat ni CA Associate Justice Normandie Pizarro, ipinaliwanag nitong tali ang kanilang kamay sa kakulangan ng ebidensiya.

Katig din sa desisyong palayain si Reyes sina CA Associate Justices Danton Bueser at Victoria Paredes.

Naglabas naman ng dissenting opinion sina CA Associate Justices Marie Christine Azcarraga-Jacob at Maria Filomena.

Ayon kay Jacob, trabaho ng Puerto Princesa RTC ang pagtimbang sa mga ebidensiyang hinarap sa hukuman kaya ito ang nararapat na magpataw ng desisyon.

Mayroon umanong mga hindi mapasisinungalingang ebidensya laban kay Reyes na dapat ilabas sa isang buong trial o pagdinig.

Kabilang umano dito ang text message sa pagitan nina Reyes at Edrad.

Inamin na rin umano ng kapatid ni Reyes, si dating Coron Mayor Mario Reyes, na nagbigay ito ng pera kay Edrad sa utos ng dating gobernador matapos ang krimen.

Naglaho ang magkapatid na Reyes noong 2012 matapos ilabas ang arrest warrant laban sa kanila. Nahuli sila sa Thailand noong 2015.

Pamilya, umaasa sa hustisya

Naniniwala naman ang pamilya ni Ortega na makakamit pa rin nila ang hustisya.

"Mayroon po tayong mga ebidensiya at iyon nga po ang ikinagagalit at ikinalulungkot namin kung bakit naman po ganito ang order," pahayag ng anak ni Ortega na si Micaella sa panayam ng DZMM. 

Lumaya si Reyes ilang linggo bago ang ikapitong anibersaryo ng pagpatay kay Ortega.

-- May ulat nina Johnson Manabat, Dharel Placido, at Jamaine Punzalan, ABS-CBN News