2 kongresista nais manatili sa puwesto para sa pederalismo

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2018 11:41 PM | Updated as of Jun 13 2019 03:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumikha ng kontrobersiya kamakailan ang panukalang buwagin ang Kongreso at bigyan si Pangulong Rodrigo Duterte ng kapangyarihang gumawa ng batas pansamantala sa pagpapalit ng sistema ng pamahalaan tungong pederalismo.

Pero kung di ito uubra, may bagong isinusulong ang dalawang kongresistang nasa likod ng panukalang batas.

Ayon kina ABC party-list Rep. Eugene De Vera at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., gipit na sa oras ang Kamara para bumalangkas ng bagong Konstitusyon.

Kaya sabi nila, puwedeng ipagpaliban muna ang halalan sa susunod na taon para sa mga bagong mambabatas.

Dapat ding manatili muna sa puwesto ang mga kongresista bilang "holdover" para magabayan ang transition tungong pederalismo.

"... Baka mag-expire na 'yong term namin, hindi namin magagabayan nang tama," ani De Vera. 

Pero hindi sang-ayon sa panukala si Southern Leyte Rep. Roger Mercado, chairman ng House committee on constitutional amendments.

"Hindi maganda na tayo rin ang mag-benefit. We make the laws and at the same time, we benefit out of those laws. Kaya nga parang self-serving," ani Mercado.

Isinusulong din nina Gonzales at De Vera na palawigin ang termino ng mga kongresista mula sa kasalukuyang tatlong taon para maging apat na taon.

Dapat din daw, wala nang term limit.

Sa ngayon kasi, limitado sa tatlong termino, o kabuuang siyam na taon, ang mga miyembro ng Kamara.

"All of these drafts of the constitution, my bet is that it will be amended, revised to suit the interest of the clans and dynasties in Congress," ani Atty. Christian Monsod na miyembro ng ng 1986 Constitutional Commission.

Pero giit nina Gonzales at De vera, di naman "up to sawa" ang pananatili sa puwesto ng mga kasalukuyang kongresista.

Pinakamatagal na raw ang hanggang 2022 kung kailan nakatakdang bumaba sa puwesto si Duterte at puwedeng isagawa ang susunod na halalan sa ilalim ng bagong Konstitusyon.

"I think 10 years is too much if it’s just a transition," sabi ni De Vera.

("Masyado nang matagal ang 10 taon.")

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.