PatrolPH

Paglimita sa paglabas ng mga di bakunado sa ilang LGU sa Metro Manila sinimulan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2022 08:02 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Nagsimula na ang ilang LGU na ipatupad ang kautusang hindi palabasin sa bahay ang mga hindi bakunado sa Kamaynilaan. 

Ito ay matapos maglabas ng ordinansa ang Metro Manila Council tungkol dito. Iniutos na rin kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga barangay official na kuhanin ang pangalan ng mga hindi bakunado sa mga nasasakupang lugar. 

Ang Quezon City, sinimulan nang hingin ang mga pangalan ng mga hindi bakunado sa bawat barangay ng kanilang lungsod. Naglabas na rin sila ng ordinansa tungkol dito. 

Sa ordinansa, pagmumultahin ng P500 ang sino mang hindi bakunado na lalabas ng kanilang bahay. Nasa P1,000 naman ang multa sa ikalawang paglabag at P3,000 sa ikatlong paglabag. Multa, temporary closure, o kaya ay pagkansela ng business permit naman ang naghihintay sa mga establisimyentong lalabag. 

Papayagan lang lumabas ang mga di bakunado kung bibili ng essential goods. 

Sa boundary ng Quezon City at Rizal, hindi na pinalulusot ang mga walang maipakitang vaccination card. Dahil wala pa umanong panuntunan ay hindi pa sila makakapag-aresto pero hindi nila ito palulusutin at pababalikin ang mga ito sa pinanggagalingan. 

Susundan naman daw ng Muntinlupa ang direktiba ni Duterte, habang pag-aaralan pa ito ng lungsod ng San Juan. 

Naglabas na rin ng executive order si Parañaque Mayor Edwin Olivarez. Binabalangkas pa ng Makati at Maynila ang kanilang mga ordinansa. 

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.