Ipinapasok ang mga labi ni Christine Dacera sa isang eroplano na sasakyan ng kaniyang pamilya pa-General Santos City. Photo courtesy: Rhona Rosario.
Ika-2 autopsy sa bangkay ni Dacera natapos na
MAYNILA - Inuwi na sa General Santos City ngayong Huwebes ang mga labi ni Christine Dacera, ang flight attendant na natagpuang walang buhay matapos mag-party noong bisperas ng bagong taon.
Tanging mga kaanak at malalapit na kailbigan ang dumalo sa burol at misa para kay Dacera gabi ng Miyerkoles. Bantay-sarado ito ng pulis at sinasala ang mga makapapasok.
Hindi na rin nakapagpahinga ang pamilya ni Dacera hanggang mag-check in sa NAIA madaling araw ng Huwebes matapos ihatid sa cargo ang bangkay niya.
Kasama ng inang si Sharon ang 5 kamag-anak at kaibigan sa pag-uwi kay Dacera sa GenSan.
Sabi ng kaibigan ng pamilya Dacera, inasikaso pa ng pamilya ang mga dokumento at iba pang ebidensiya na gagamitin sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng pulisya sa pagkamatay ng flight attendant.
"The family has decided to leave it up to the PNP to do further investigation. Although we have a lot of witnesses that's coming forward, and alam naman namin right from the very start there were a lot of irregularities and inconsistencies. So we leave it up to the PNP to be able to assess kung ano talaga ang nangyari," ani Marichi Ramos, kaibigan ng pamilya.
Kinumpirma rin ni Ramos na nagsasagawa na rin ng pangalawang autopsy sa bangkay ni Dacera pero sinabing hindi ito basta-bastang ilalabas tulad ng nangyari sa unang autopsy na tumukoy sa ruptured aortic aneurysm na ikinamatay niya.
"We're surprised nga na nakalabas yung SOCO Report bago pa kami makakuha ng any documents. Antayin na lang natin. It remains confidential 'yung second autopsy natin,” ani Ramos.
Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ng National Capital Region Police Office na muli nilang babalikan ang hotel na pinagtuluyan ni Dacera. Susubukan din nilang makakuha pa ng dagdag na ebidensiya tulad ng alak at kung may posibleng ginamit na droga.
"Honestly speaking, kumbaga sa mangga, hilaw pa, i must admit. Nonetheless, that should not be a reason for us na itigil na 'yong investigation. Ang importante pong makita natin dito, what would be the cause of death. Para makita po natin at maiwasan na maulit ulit ang pangyayaring ito," ani NCRPO director Vicente Danao Jr.
Giit naman ng isang abogado ng pamilyang Dacera sa panayam sa ANC, walang epekto sa isinampang kaso na rape with homicide ang pagpapalaya ng piskal sa 3 suspek na hawak ng Makati police dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya.
Dagdag pa ng abogado, hindi sapat na depensa sa kasong rape ang sexual orientation o pagiging bakla ng suspek.
"When the city prosecutor came out with that resolution, it does not weaken the case of the family at all. It merely required the team and the family to submit further documents to prove before the office of the city prosecutor again that there is probable cause for the crime being charged," ayon sa abogadong si Jose Ledda III.
Muling ibuburol si Dacera sa GenSan simula Enero 8 bago ilibing sa Linggo.
Nakahanda na ang mga miyembro ng pamilya Dacera na bumalik sa Metro Manila para tumulong sa imbestigasyon sa hindi pa ring nabubuong kuwento kung paano namatay si Dacera.
— Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, GenSan, Christine Dacera, Christine Dacera case, General Santos, flight attendant, Christine Dacera slay, PNP, Debold Sinas, Vicente Danao, NCRPO