Mga deboto kaniya-kaniyang paggunita sa Itim na Nazareno dahil sa kanseladong Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2021 04:51 PM | Updated as of Jan 07 2021 07:39 PM

Dumadalo sa misa ang ilang deboto ng Itim na Nazarneo sa Quiapo Church sa Maynila noong Enero 6, 2020 habang nagbabantay ang mga pulis. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Dumalo si Mary Anne Punzalan sa misa na ni-livestream sa Facebook ng Quiapo Church nitong ala-1 ng hapon ngayong Huwebes.

Mula nang tumama raw ang COVID-19 pandemic, natuto na raw siyang magsimba sa pamamagitan ng social media.

Tatlong dekada nang deboto si Punzalan ng Poong Itim na Nazareno pero nag-aalangan siyang pumunta sa Quiapo Church dahil sa takot sa virus.

"Medyo naninibago nga kasi nasa cellphone. Nasanay na namin na pumunta doon," ani Punzalan.

Sa unang pagkakataon, hindi rin muna siya dadalo sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Sabado.

Watch more in iWantTFC

Kanselado ngayong taon ang Traslacion o pagprusisyon sa imahen ng Itim na Nazareno dahil sa patuloy na banta ng COVID-19. Sa halip, magdaraos ng lang ng mga misa ang Quiapo Church.

Bukod sa pagdarasal para sa pamilya, hiling ni Punzalan sa Poong Nazareno na bumalik na sa normal ang lahat.

"Manumbalik na po 'yong dati na walang sakit. Puwede ka nang makihalubilo, magsimba nang walang mask [at] face shield. 'Yong 'di mo na kailangan umiwas-iwas sa tao," ani Punzalan.

Nagbisikleta naman si Jefferson Langcay mula Tanza, Cavite hanggang Baclaran Church sa Parañaque City nang malamang nandoon ang imahen ng Poon.

Hindi raw siya pupunta sa Quiapo Church para makaiwas sa dagsa ng tao.

"'Yong nakagawian po naming ginagawa sa prusisyon, wala po, hindi namin magagawa," ani Langcay.

"Medyo malungkot pero hindi naman tayo nawawalan ng pag-asa sa ating pananampalataya," dagdag niya.

Bukod naman sa pagbisita sa Baclaran Church, mag-oorganisa ng hiwalay na misa sa Barangay Malibay, Pasay sa Sabado ang deboto na si Corazon dela Cruz.

"Mga replica namin, babasbasan ng pari. Tapos may pa-misa kami para doon na lang kami," ani Dela Cruz.

Samantala, pinaalis na rin ng Manila Police District ang mga vendor sa paligid ng Quiapo Church.

Nilinis na rin ng Manila Department of Public Services ang mga basura at iba pang nakakalat sa mga kalsada.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.