MAYNILA — Dismayado at galit ang ilang pasahero na hindi nakalipad ngayong Huwebes matapos magka-aberya sa paglalabas ng resulta ng kanilang COVID-19 test mula sa isang laboratoryong sinuspende ng Department of Health (DOH.)
Dose-dosenang tao ang pumunta sa Philippine Airport Diagnostic Laboratory para magreklamo. Anila, hindi na sila umabot sa flight ngayong araw kaaantay sa resulta ng COVID test mula sa naturang laboratoryo.
Ayon sa isang overseas Filipino worker, hindi tinanggap sa airport ang COVID-19 test result niya mula sa laboratoryo dahil suspendido umano ang lisensya nito.
“I-e-explain ko pa sa boss ko bakit ako andito. Wala na hindi na ako makakahabol. Sabi nila ‘yong result ko raw hindi pa dumarating from Mandaluyong. For rebooking na ako,” ani Tristan Cruz.
Laking abala naman ang pagkaantala ng resulta para sa ilan.
“Dapat ang result kaninang umaga, nagtaka kami bakit wala sa email, so sinadya namin dito. ‘Yun pala nagkaka-problema na sila. Wala na kaming tsansa pa na makaalis ‘yung tatlong tao na ‘yun,” paliwanag ni Mel Chavez, isang marketing officer ng manpower agency.
Paliwanag ni Von Rubio, sales manager ng Philippine Airport Diagnostic Laboratory, suspendido sila ng DOH dahil daw sa kabiguang maisumite ang ilang report kaugnay ng COVID-19 test results sa itinakdang oras.
“We received a temporary suspension for license to operate, which we are looking to remedy by the end of this week,” aniya.
Nakipag-ugnayan na umano ang laboratoryo sa health department at nakumpleto na din daw nila ang pagsusumite ng mga report, pero mananatiling sarado muna ang clinic hanggang alisin ang suspensyon.
Ipinasa na ng lab ang swab sample ng mga apektadong kliyente sa mga laboratoryong may valid accreditation para agad ma-proseso at makapaglabas ng resulta.
Tiniyak naman ng management ng Philippine Airport Diagnostic Laboratory na sasagutin nito ang gastusin sa testing, hotel accommodation, at rebooking ng mga kliyenteng naapektuhan ng suspensyon.
“If there [are] any costs that have to be answered as a result of ‘yung temporary suspension namin, we’re making sure that’s going to be handled as well- if we need to cover the cost of a re-swab because the validity is no longer there or if we have to hotel rebookings, flight rebooking, anything of the sort, all associated costs,” sabi ni Rubio.
Ipinasa na daw ng laboratoryo ang swab samples ng mga apektadong kliyente sa mga laboratoryong may valid accreditation para agad maproseso at makapaglabas ng resulta.
Tiniyak naman ng kanilang management na sasagutin nito ang gastusin sa testing, hotel accommodation at rebooking ng mga kliyenteng naapektuhan ng suspensyon.
Pwede rin tumawag sa kanilang customer service hotline numbers ang mga customers na may kaparehong problema:
- 0966 897 9505
- 0968 381 4399
- (02)8251 5868)
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Philippine Airport Diagnostic Laboratory, COVID-19, COVID-19 tests, swab testing, Tagalog news, COVID-19 testing, DOH, Department of Health, suspended laboratory, RT-PCR testing