PatrolPH

Mas maagang 'Pahalik' pinilahan ng mga deboto

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 07:17 PM

Watch more on iWantTFC

Mas maagang nag-umpisa ang "Pahalik" sa Poong Nazareno ngayong taon kompara noong mga nakaraan para mabigyan umano ng mas mahabang oras ang mga deboto na makalahok sa isa sa mga tradisyong bahagi ng pagdiriwang ng "Traslacion."

Nakagawiang idaos ang "Pahalik" isang araw bago ang mismong "Traslacion," pero ngayong taon, inumpisahan ito noong gabi ng Lunes, ilang araw bago ang prusisyong nakatakda sa Huwebes. 

Bunsod nito, agad nagtungo at pumila ang mga deboto sa Quirino Grandstand para sa pagkakataong mahalikan o mapunasan ang paanan ng ipuprusisyong imahen ng Itim na Nazareno.

Ayon sa debotong si Luzviminda Trinindad, mas maginhawa ang pagpila sa "Pahalik" ngayong taon kumpara sa mga nakaraan taon.

"Lahat ng hinihingi ko sa kaniya, binibigay niya kahit ano," anang 77 anyos na si Trinidad.

"Maligaya ako kapag ganoon, nagiginhawahan ako. Maligaya ako kapag nakapunta ako sa kaniya," dagdag ni Trinidad.

Tulad ng dati, sa kanto ng Kalaw Avenue at Roxas Boulevard ang bungad ng pila para sa mga deboto.

May mga orange barrier na nagtatakda ng direksiyon ng pila at para maiwasan din ang singitan.

May special lane din para sa mga senior citizen at person with disability. 

Ayon kay Brig. Gen. Debold Sinas, direktor ng National Capital Region Police Office, mga pari ang nagdesisyon na gawing mas maaga ang "Pahalik" para mabigyan ng oras ang mga deboto.

Nilinaw naman ni Modesto Flores, officer ng Hijos de Nazareno Central, hindi puputulin ang pila sa "Pahalik" kahit magdaos ng misa sa Quirino Grandstand.

Nakaantabay sa paligid ng grandstand ang mga response team ng Metropolitan Manila Development Authority para umasikaso sa mga taong posibleng sumama ang pakiramdam habang nasa "Pahalik."

Watch more on iWantTFC

PAGBABASBAS SA MGA REPLICA

Kasabay ng "Pahalik," idinaos din ngayong Martes sa may Minor Basilica of the Black Nazarene, o mas kilala bilang Quiapo Church, ang prusisyon at pagbabasbas sa mga replica ng imahen ng Poong Nazareno.

Bumaha ng iba-ibang kulay, karamihan ay pula at dilaw, sa paligid ng simbahan bunsod sa mga kasuotan ng mga replica.

Bandang alas-2 ng hapon nang dumagundong ang Plaza Miranda at Quezon Boulevard, hudyat ng pagsisimula ng prusisyon ng mga replica.

Nagpaalala naman si Fr. Dougles Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, sa mga lumahok na hindi paligsahan ang prusisyon ng mga replica.-- Ulat nina Jorge Cariño at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.