Mambabatas, nabiktima ng 'basag-kotse' sa loob ng mall sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 01:25 AM | Updated as of Jan 07 2020 06:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

QUEZON CITY - Hindi matanggap ni ACT-CIS Rep. Niña Taduran na walang nakalagay na CCTV sa parking area ng mall sa Aurora Blvd corner G. Araneta Avenue, Quezon City na maaari sanang makatulong na alamin kung sino ang bumasag sa salamin ng kanyang kotse.

Giit ni Taduran, malaki sanang tulong ang CCTV upang matugis ang mga suspek sa naturang insidente ng basag kotse. 

Ipinarada sa mall ang sasakyan matapos ihatid galing sa Malakanyang si Taduran para sa signing ng 2020 national budget.

Kumain muna sa loob ng mall ang kanyang mga kasama at pagbalik sa parking area, nadiskubreng basag na ang salamin ng likurang passenger seat ng sasakyan.

Aabot sa P240,000 na halaga ng gadgets at personal na gamit ang nakuha kay Taduran, kabilang ang Congress-issued laptop, latest model ng smartphone, alahas, P8,000 cash at USD500. 

Sa pahayag naman ng SM City Sta. Mesa, naibalita na nila ang insidente sa mga kinauukulan at kasalukuyang nagsasagawa ng joint investigation kasama ang Philippine National Police. -Ulat nina Arra Perez at Jervis Manahan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.