Higit P570-K halaga ng droga nasamsam sa 'tulak' sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 03:07 PM

Tinatayang nasa higit P570,000 halaga ng hinihinalang droga ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isa umanong tulak sa buy-bust operation sa Taguig City.

Sa ulat, kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek bilang si Michael Gumaro, 31.

Ikinasa ang operasyon laban kay Gumaro noong gabi ng Linggo sa Barangay Upper Bicutan, ayon sa pulisya.

Nakuha umano sa suspek ang 6 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P564,400, 5 tablet na hinihinalang ecstasy na nagkakahalagang P8,500, isang improvised glass tube, isang digital weighing scale, isang pistol, at 2 cellphone.

Nakadetene sa Taguig City Police Station Custodial Facility ang suspek na mahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.