MAYNILA (2nd UPDATE) - Sugatan ang 16 katao matapos sumiklab ang sunog sa isang gusali sa harap ng simbahan sa Tondo, Maynila nitong Martes ng umaga.
Idineklarang under control ang sunog alas-9:17 ng umaga matapos itong maiakyat sa ikalimang alarma, dahilan para tumugon ang mga bombero mula sa buong Manila Fire District.
Kabilang sa sugatan ang may-ari ng gusali na si Perfecto Tiu. Nagising umano siya sa usok na pumasok sa kaniyang kuwarto sa ikalawang palapag.
Natagalan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil madilim sa loob gawa ng kawalan ng emergency lights at marami ring nakakandadong pinto, ayon kay Fire Sr. Insp. John Joseph Jalique, chief of intelligence and investigation section ng Manila Fire District.
Lalo umano silang nahirapan sa pagbagsak ng mga nalulusaw na piraso ng tela at plastic pagdating sa ikatlong palapag na may umuupang pabrika ng mga tela.
Sa pauna nilang imbestigasyon, dito posibleng nag mula ang apoy matapos makarinig ang isang tenant ng pumuputok sa itaas na bahagi ng palapag na kalapit ng imbakan ng tela.
Nasa P3 milyon ang tinatayang halaga ng natupok, ayon sa Bureau of Fire Protection.
Iimbestigahan pa ang sanhi ng sunog at kung may mga naging paglabag ang pabrika ng tela at gusali sa Fire Code of the Philippines. -- May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, deboto, relihiyon, Catholicism, Traslacion, Traslacion 2020, Black Nazarene, Quirino Grandstand, Pahalik, NCRPO, TV Patrol, TV Patrol Top