ALAMIN: Parusa sa mga 'nambabastos' ng watawat, pambansang awit

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 03:17 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Muling nahalungkat ang video ng Internet star na si Bretman Rock na sumasayaw sa tugtugin ng "Lupang Hinirang," bagay na umano'y nag-udyok sa National Historic Commission of the Philippines na magbitaw ng paalala sa pagrespeto sa Lupang Hinirang.

Sa ibang bansa pinaniniwalaang ginawa ni Rock, na isang Pinoy, ang video na ngayo'y burado na sa kaniyang Instagram account. 

Pinanghahawakan ng NHCP ang Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines sa binitawan nilang pahayag, ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla." 

"Feeling nila, nabastos ang national anthem kasi may tamang paraan ng pagkanta at paggalang nito," ani Del Prado, gabi nang Lunes. 

"Kapag tinutugtog ang pambansang awit. Tatayo ka rerespetuhin mo ... At 'yun talaga ang paggalang sa ating pambansang awit," dagdag niya. 

Posibleng parusahan ng P5,000 hanggang P20,000 multa at pagkakakulong ng hindi lalagpas ng isang taon ang sino mang magpapakita ng kawalan ng respeto sa watawat o pambansang awit ng bansa, ayon sa batas. 

Bagama't agad na binura ni Rock ang video matapos itong i-upload tatlong buwan na ang nakakalipas, humingi pa rin ng paumanhin ang Internet star nang mag-viral ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.