ALAMIN: Mga dapat ihanda, tandaan ng mga dadalo sa Traslacion 2020

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 05:56 PM | Updated as of Jan 07 2020 06:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naglabas ng mga paalala ngayong Martes ang Philippine Red Cross (PRC) para sa mga debotong makikiisa sa Traslacion sa Huwebes.

Ayon sa PRC, mainam na isaalang-alang ng mga taong dadalo sa taunang prusisyon ang mga sumusunod:

  •  Alamin ang ruta ng prusisyon
  •  Ipaalam sa mga kapamilya na lalahok sa prusisyon at sa iba pang pupuntahan
  •  I-secure ang bahay bago umalis. Tiyaking walang nakasaksak na electrical appliance.
  •  Maging handa ang pangangatawan at pag-iisip
  •  Huwag nang lumahok sa prusisyon ang mga buntis at may sakit
  •  Iwasang magdala ng mga sanggol o bata sa mga lugar malapit sa ruta ng Traslacion
  •  Magdala ng ID at mga dokumentong nagsasaad ng medical information at emergency contact numbers
  •  Magdala ng gamot
  •  Magsuot ng angkop na damit at sapatos. Iwasang magdala ng mga mamahaling alahas at gadget.
  •  Iwasang uminom ng alak
  •  Huwag magdala ng matatalim na bagay
  •  Magdala ng mga bagay pangontra sa init o ulan, gaya ng mga cap at payong
  •  Tiyaking nakakain bago makiisa sa prusisyon at magdala ng tubig at mga biskuwit
  •  Alamin ang lokasyon sa lahat ng pagkakataon. Kung dadalo kasama ang grupo, magtakda ng meeting point sakaling may mahiwalay at mawala
  •  Umiwas sa mga magugulong grupo
  •  Magplano ng ligtas na exit path
  •  Huwag mag-panic sakaling may mangyari at lumikas mula sa mga hazard (gaya ng mga sasakyan o debris)
  •  Alamin ang lokasyon at kung paano pupuntahan ang mga medical station, police station, at iba pang puwesto ng mga emergency personnel.
  •  Alamin ang local emergency number o tumawag sa Red Cross hotline sa 134 o 8-790-2300

Bukod sa mga paalala, naglatag din ang PRC ng 13 first aid station sa kahabaan ng ruta ng Traslacion, na puprusisyon mula Quirino Grandstand hanggang sa tahanan ng imahen ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church.

Mahahanap ang mga first aid station sa Aquino monument, Round table (Manila City Hall), Liwasang Bonifacio, Plaza Mexico (Post Office), Lacson (Santa Cruz area), San Sebastian, Jones Bridge, at malapit sa Quiapo Church, ayon sa PRC.

Magtatayo rin ang PRC ng Emergency Medical Unit sa ruta ng prusisyon na magsisilbing ospital, na may 40 kama. 

Libo-libong volunteer naman ang ipapakalat ng PRC. 

May 47 ambulansiya, 3 rescue boat, isang amphibian, at iba pang mga rescue vehicle na ide-deploy para sa Traslacion.

Samantala, itinaas na ng Department of Health (DOH) of code white alert sa 16 ospital sa Metro Manila.

Sa tuwing naka-code white alert, nakahanda ang mga emergency supply at naka-standby ang mga medical personnel para tumugon sa mga maaaring magtamo ng injury sa prusisyon.

May 14 emergency response team ding ide-deploy ang DOH sa dadaanan ng andas.

Ipinayo naman ni Health Secretary Francisco Duque sa mga deboto na huwag nang sumama sa prusisyon kung may iniindang sakit.

-- May ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.