3 motorcycle rider patay sa magkahiwalay na aksidente sa Isabela, Nueva Vizcaya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 01:26 AM

Tatlong motorcycle rider ang patay sa magkahiwalay na aksidente sa Isabela at Nueva Vizcaya nitong Linggo ng gabi.

Magkaangkas sa motorsiklo ang mag-asawang Maverick at Elsie Andaya pauwi sa kanilang bahay nang sila ay masagi ng isang pampasaherong bus sa kurbadang bahagi ng national highway sa Barangay Caquilingan, Cordon, Isabela noong Linggo ng gabi.

Naisugod sa ospital ang mag-asawa, pero idineklara silang dead-on-arrival ng attending physician.

Ayon kay Police Lieutenant Edmar Oliveros, deputy chief ng Cordon Police Station, umagaw ang bus sa linya ng motorsiklo.

“Sabi nung konduktor, sinigawan daw niya yung driver sa salitang Ilokano dahil para daw kasing nakaidlip ito,” dagdag ni Oliveros.

Depensa naman ng isa pang konduktor na si Jhan-Jhan Nicolas, nag-overtake ang bus driver para iwasan sana ang sinusundan nilang motorsiklo na wala umanong ilaw.

Dumiretso ang bus sa isang lote kung saan huminto lang ito sa pag-andar nang sumalpok sa puno.

Naipit ang driver nang halos dalawang oras bago tuluyang nailabas ng mga rescuer. Nagpapagaling siya ngayon sa ospital dahil sa nabali umanong paa.

Labindalawa naman mula sa 30 pasahero ang nasaktan din sa aksidente. Dinala sila sa iba’t ibang ospital para magamot.

Nananawagan ngayon ng tulong ang mga kaanak ng mag-asawang Andaya para sa mga naulila nilang anak.

Iniimbestigahan din kung paano nakabiyahe ang bus na paso o expired na ang special permit mula Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 2.

“Nabigyan sila ng permit nitong holiday season para rumuta sa Nueva Ecija-Isabela and vice versa. Pero hanggang January 3 lang nakalagay dun na permit nila,” ayon kay Oliveros.

Samantala, patay din ang hindi pa nakikilalang rider matapos sumalpok ang kaniyang motorsiklo sa kasalubong na pampasaherong bus sa national highway ng Barangay Calilitan sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya noong Linggo rin ng gabi.

Sa imbestigasyon, sinubukan ng biktima na mag-overtake sa sinusundang van kaya umagaw ito sa linya ng bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.