Sundalo patay, 2 sugatan sa pamamaril sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2019 10:09 PM

Napatay ang isang sundalo habang sugatan naman ang dalawang tauhan ng barangay sa insidente ng pamamaril noong gabi ng Linggo sa bayan ng Buhi, Camarines Sur.

Nakikipag-inuman sa Barangay Dela Fe si Sergeant Benito Bien, miyembro ng Philippine Army, bandang alas-9 ng gabi nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin, ayon sa ulat ng pulisya.

Nagtamo rin ng mga tama ng bala ang barangay chairman na si Tonyben Tabalde at tanod na si Mario Ibanita, ayon sa ulat.

Dinala ang dalawang sugatan sa ospital sa Iriga City, kung saan patuloy silang nagpapagaling.

Inaalam na ng pulisya ang motibo sa pamamaril maging ang pagkakakilanlan ng salarin.

--Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.